Isang pulis na rumesponde sa nangyayaring nakawan sa isang supermarket ang nasawi matapos barilin sa ulo ng mga salarin sa Peñaranda, Nueva Ecija.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Police Staff Sgt. Jhon Espinoza, 45-anyos, may asawa at mga anak, residente ng Sta.Rita.

Batay sa imbestigasyon, kabilang si Espinoza sa mga pulis na rumesponde sa nangyaring nakawan sa isang supermarket sa Barangay Poblacion 1.

Pero pagdating sa lugar, pinagbabaril sila ng mga suspek at tinamaan sa ulo ang biktima. Hindi na siya umabot nang buhay sa ospital.

Ang misis ni Espinoza na si Angelica, nalulungkot sa sinapit ng mister pero proud dahil nagampanan nito ang tungkulin bilang isang magiting na pulis.

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang pulisya habang patuloy ang imbestigasyon, at pagtugis sa mga salarin.

Nais naman ni Mayor Joselito Ramos, mahuli kaagad sa lalong madaling panahon ang mga salarin upang mabigyan ng hustisya si Espinoza. --FRJ, GMA Integrated News