Sa ikatlong araw ng "Magpasikat" performances sa "It's Showtime" nitong Miyerkules, nakasama ng Team VIDA (Vhong Navarro, Ion Perez, Darren Espanto, Amy Perez) sa pagtatanghal ang "higanteng" aktor na si Raul Dillo na naging viral kamakailan matapos makitang nagtitinda ng longganisa sa daan.

Mensahe sa pagtatanghal ng Team VIDA ang tungkol sa maayos na pamumuhay at kahalagahan ng pamilya.

"Ang mensahe nito ay simple lang, gumawa tayo ng kabutihan, kasi 'pag sinabing oras mo na, hindi mo alam kung kalian," ayon kay Vhong.

"So, kailan ka gagawa ng kabutihan, 'pag oras mo na? Dapat bago pa," dagdag niya.

Ang mensahe ng naturang pagtatanghal, tila isinabuhay ni Vhong sa ginawa niyang pagsama kay Raul na maging bahagi ng kanilang produksyon.

"Napanood ko siya [Raul]. Nakita ko yung pinagdadaanan niya ngayon sa buhay. So sabi ko 'bakit hindi ko siya uli ibalik sa entablado para makita uli sa TV.' Kasi nami-miss niya nang mag-perform kaya sinama ko na siya sa prod namin," kuwento ni Vhong.

BASAHIN: 'Higanteng' aktor na si Raul Dillo, sanay sa hirap pero hindi sa pangmamaliit sa pagtitinda niya ng longganisa

Ayon kay Vhong, nagkasama raw sila noon ni Raul sa isang pelikula.

Halos hindi naman makapagsalita si Raul sa kasiyahan at napagsalamat sa ginawa ni Vhong na binigyan siya ng pagpapahalaga.

"Isang karangalan na makasama kang muli. Kayong lahat nakikita ko sa telebisyon," sabi ni Raul, na hindi mapigilan na maging emosyonal.

Samantala, inihayag ni Tiyang Amy na ang pagtatanghal nila ay nagpapahayag ng mensahe tungkol sa sakripisyo ng mga magulang at mga anak para sa pamilya.

"Magandang paalala na ma-appreciate natin 'yung mga anak at mga magulang din, na may mga anak na kayang magsakripisyo para sa pamilya," paliwanag niya.

Nitong nakaraang Lunes, ang grupo nina Vice Ganda, Karylle, at Ryan Bang ang unang nagtanghal sa "Magpasikat 2024" na may mensahe ng pag-asa bilang bahagi ng anibersaryo ng "It's Showtime."

Nitong Martes, mensahe ng pangangalaga sa sarili ang naging tema ng pagtatanghal ng grupo nina Ogie Diaz, Kim Chiu, MC, at Lassy.

Sa Huwebes nakatakdang magtanghal ang team nina Anne Curtis, Jugs Jugueta, at Teddy Corpuz.

Habang sa Biyernes naman ang grupo nina Jhong Hilario, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez.

Ang mga hurado sa "Magpasikat" ngayong taon sina Gabbi Garcia, Donny Pangilinan, Alice Dixson, at dating ABS-CBN president na si Freddie "FMG" Garcia.-- FRJ, GMA Integrated News