Inilahad ng isang dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) nitong Miyerkoles na kinailangan niya noong gamitin ang mga bata para maabot ang P15 milyong quota ng kanilang grupo para sa Pasko.

Sa kaniyang pagpapatotoo sa Senate committee on women, children, family relations and gender equality, inihayag ni Teresita Valdehueza na ang pangangaroling tuwing Disyembre ang isa sa mga pinagkukunan ng pondo ng KOJC kung saan kailangang sumali ang lahat ng kanilang miyembro.

“Naghirap ang maraming workers at members sa pag-caroling at pag-solicit sa bawat tao sa lahat ng dako dito sa ating bansa. May namatay, may naaksidente, may nakulong, may mga na-rape pa na hindi na nai-report dahil baka hindi paniwalaan,” saad ni Valdehueza.

“Meron din po akong quota na P10 to P15 million to raise in the month of December alone. I organized the nationwide caroling to meet my quota. We recruited and trafficked our young people from Mindanao and Visayas to carol in the provinces of Luzon and in the National Capital Region cities,” dagdag niya.

Para makalikom ng pondo para sa Pasko, sinabi ni Valdehueza na maraming mga estudyante ang kailangang lumiban sa kanilang mga paaralan noong Nobyembre para unahin ang mga pangangailangan ng kanilang simbahan.

Gayunman, sinabi niyang walang sinuman sa mga miyembro ang nangahas na magtanong kung saan napupunta ang pera.

Inilahad ni Valdehueza ang mga akusasyon sa harap ng founder ng KOJC na si Apollo Quiboloy na naroon din sa pagsisiyasat ng Senado.

Sa pagsisiyasat, itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kaniya.


“Wala po kaming mga polisya na magpalimos ang bata,” sabi niya.

“Hindi po. Wala pong katotohanan ‘yun,” dagdag niya nang tanungin ni panel chair Senator Risa Hontiveros kung inutusan pa rin niya ang mga batang miyembro na mamalimos ng pera kahit wala silang ganoong polisiya.

Pagkatapos ng Disyembre, inilahad pa ni Valdehueza na kinailangan pa ng mga miyembro na magbenta ng mga kakanin para makapagbigay sa Alay kay Kristo, pondo sa mga pagtatayo, love offerings, television pledges, ikapu, at marami pang iba.

Mula Pebrero hanggang Oktubre, sinabi niyang ang ibang mga manggagawa sa logistics department ay kailangang muling mag-solicit sa pamamagitan ng mga asosasyon ng ministeryo.

“The supposed income na dapat ibigay sa mga beneficiaries sa mga nasabing associations hindi naman talaga truthfully and honestly naibigay. Only a little portion of the income was shared to the beneficiaries,” saad ni Valdehueza.

“Ang ibang workers naman walang hinto sa pagtinda rin ng mga kakanin na may quota of P500-P1000 a day Monday to Saturday,” dagdag niya.

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa kasong qualified human trafficking, na hindi maaaring makapagpiyansa, sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, na inamyendahan, sa korte sa Pasig. Nahaharap din siya sa mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.—LDF, GMA Integrated News