Dalawang babae ang hindi mapigilan ang sarili sa pagpapak sa hilaw na bigas. Bukod sa tila pagkalulong, ano pa kaya ang posibleng masamang epekto sa kalusugan ng pagkain ng bigas? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Mamangbeb, na isang vlogger mula sa Zamboanga Sibugay, na bata pa lang ay mahilig na talaga siyang pumapak ng bigas.
Pero tumindi raw ang pagkahilig niya sa bigas mula nang mabuntis sa kaniyang bunsong anak. Mula noon, kailangan nang may katabi siyang bigas na papapakin kahit pa nasa biyahe.
"Hindi ko na po maputol yung pagkain ko ng bigas. Matapos kumain, ang panghimagas ko bigas," saad niya. "Para sa akin masarap talaga."
Nilinaw din niya na hindi lang para sa content ang pagkain niya ng bigas dahil ito na rin ang nagiging stress reliever niya.
"Feel ko sarap na sarap talaga ako lalo na yung crunchy ng bigas. Satisfied ako...bigas kasi ang stress reliever ko," dagdag pa ni Mamangbeb.
Ayon kay Mamangbeb, mataas ang kaniyang acid at nakakaramdam din ng masakit sa tiyan.
Sa Zamboanga City naman, isang baso ng bigas ang nauubos ni Ivy, hindi niya tunay na pangalan, sa isang araw.
Aminado si Ivy na tila naadik na siya sa bigas na nagsimula rin nang mabuntis siya.
"Yung lasa niya po parang mani. Gusto ko lang nagngunguya ako ng bigas," ayon kay Ivy.
Ngunit ang akalang "paglilihi" lang sa bigas, nagtuloy-tuloy kahit pa nakapanganak na si Ivy.
Kung minsan, nagiging dahilan pa ng away nila ng kaniyang mister ang pagpapak niya ng bigas kapag pinagbabawalan siya.
Gustuhin man daw ni Ivy na itigil ang pagkain ng bigas, pero hindi niya magawa.
"Naging habit ko na siya," saad ng ginang na aminado rin na may nararamdaman na siyang hindi maganda sa kaniyang katawan.
Bukod sa pananakit ng tiyan, sumisikip din ang kaniyang dibdib, at napansin din niya ang pagpayat niya.
May kinalaman kaya sa pagkahilig niya sa pagkain ng bigas sa mga hindi magandang nararamdaman ni Ivy? Ano nga ba ang peligro sa kalusugan sa pagkahumaling sa pagpapak ng bigas? Alamin ang paliwanag ng eksperto sa video na ito ng "KMJS". Panoorin ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News