Nahuli-cam ang isang lalaki sa Nabua, Camarines Sur na ilang oras nakakapit sa isang puno habang lubog sa rumaragasang baha ang lugar na kaniyang kinaroroonan. Alamin kung nailigtas siya.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, inihayag ng uploader ng video na umaga nitong Miyerkoles nang makita nila ang lalaki na nakakapit sa puno para hindi matangay ng baha.
Hindi umano basta makalapit ang mga residente para tulungan ang lalaki dahil na rin sa lakas ng agos ng baha.
Nang sumapit ang tanghali, hindi pa rin nasasaklolohan ang lalaki na hindi naman bumibitaw sa puno.
Bago mag-2:00 pm, ilang lalaki na nakasakay sa bangka ang dumating sa lugar. Pero hindi naging madali ang paglapit nila sa lalaki dahil sa lakas pa rin ng agos.
Inabot pa umano ng 30 minuto bago nila nakuha ang lalaki at dinala sa ligtas na lugar.
Ang pagbaha sa Nabua ay dulot din ng lakas ng bagyong Kristine na nagpalubog sa baha sa maraming lugar sa Bicol Region.
Sa Ligao City sa Albay, hindi na nailigtas ng mga rescuer ang isang lalaki na natabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Busay.
Batay sa tala ng Police Regional Office 5 nitong nitong Miyerkoles, hindi bababa sa tatlong tao ang nasawi sa Bicol Region.
May pito pa umano na nawawala, at marami pa ang na-trap sa kani-kanilang bahay dahil sa pagbaha.--FRJ, GMA Integrated News