May panibagong grupo ng mga Filipino workers (OFWs) mula sa Lebanon ang nakauwi na ng Pilipinas, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sa social media post, inihayag ng DMW na sakay ng Emirates EK 334 ang dumating na 76 OFWs, nitong Linggo sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon sa DMW, umaabot na ngayon sa 636 ang kabuuang bilang ng mga OFW na nakauwi sa Pilipinas mula sa Lebanon. Bukod pa rito ang kasama nila na 32 na dependents o miyembro ng pamilya.
Nakataas ang Alert Level 3 sa Lebanon, na ngangangahulungan ng voluntary repatriation. Bunga ito ng isinasagawang airstrikes at ground invasion ng Israel sa ilang bahagi ng naturang bansa dahil sa pakikipaglaban ng grupong Hezbollah.
Patuloy ang paghikayat ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga Pinoy sa Lebanon na umuwi na muna sa bansa dahil sa nangyayaring kaguluhan doon, at habang pinapayagan pa ang commercial flights.
Kabilang sa nagiging target na rin ng Israel ang ilang lugar sa Beirut na hinihinalang nagkukuta ang ilang opisyal at may kaugnayan sa Herbollah. — FRJ, GMA Integrated News