Iba’t ibang droga --kabilang ang cocaine at methamphetamine-- ang nakita umano sa sistema, o katawan ng pop star na si Liam Payne nang isailalim ang kaniyang mga labi sa toxicology test, batay sa ulat ng US media.
Pumanaw si Liam, 31-anyos, dating miyembro ng One Direction, nitong nakaraang matapos mahulog mula sa balkonahe na nasa ikatlong palapag ng tinutuluyan niyang hotel sa Buenos Aires, Argentina.
Batay sa mga impormasyon mula sa mga sources, iniulat ng ABC News at TMZ, na isang cocktail ng droga na tinatawag na "pink cocaine," na naglalaman ng methamphetamine, ketamine at MDMA ang nakita sa partial autopsy kay Liam.
May nakalista rin umanong crack cocaine at benzodiazepine.
Sa kaniyang kuwarto, may nakita namang "improvised aluminum pipe to ingest drugs," ayon sa ulat ng ABC.
Bago nakita ang kaniyang labi, tumawag umano ang empleyado ng hotel sa emergency services para i-report ang guest na "overwhelmed by drugs and alcohol" ang naninira ng gamit sa hotel room.
Sa resulta ng post-mortem, lumitaw na mag-isa lang si Liam nang mangyari ang insidente at pinaniniwalang "he was going through an episode of substance abuse," ayon sa prosecutors.
Lumitaw sa awtopsiya na ang tinamong mga sugat ni Liam ay katulad sa mga pinsalang tinatamo sa pagkahulog.
Isang kawani sa hotel na hinihinalang nagbigay ng droga kay Liam nang araw na pumanaw ang singer ang nakapanayam ng mga opisyal pero hindi siya inaresto o kinasuhan.
Matapos ang kaniyang tagumpay nang mag-solo, hindi inilihim ni Liam ang kaniyang pakikipaglaban sa usapin ng kasikatan at alcoholism. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News