Naging malaking balita kamakailan ang ginawang pananambang at pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa Pampanga habang sakay ng kanilang pick-up truck. Ang lumalabas na utak sa krimen, ang isa nilang kaibigan na nagpunta pa sa unang araw ng burol ng mag-asawa.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," pumayag ang pamilya ni Arvin na magpaunlak ng panayam upang ipanawagan na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng mag-asawa na supplier ng beauty products.

Dating seaman si Arvin na nanatili na sa bansa noong magkaroon ng pandemic, at tinulungan si Lerma sa pagpapaunlad ng kanilang online business.

Naging maganda ang tambalan sa negosyo ng dalawa dahil magaling umano sa management at inventory si Arvin, habang porte naman ni Lerma ang marketing.

Kaya mula pagiging distributor sa Pampanga ng beauty products, naging supplier na sila sa buong Pilipinas, at maging sa ibang bansa.

Kasabay ng paglago ng kanilang negosyo ang pagkakaroon nila ng mga kasosyo. At isa sa mga ito ang kaibigan at itinuring kumare nila, na lumilitaw ngayon sa imbestigasyon ng pulisya na mastermind umano sa krimen.

Ayon sa pulisya, ang pagkakautang ng mastermind na aabot sa P13 milyon ang kabilang sa nakikita nilang motibo sa krimen.

Bumisita pa raw sa unang araw ng burol ng mag-asawa ang naturang suspek.

Natukoy ang mga pinaghihinalaang mastermind matapos na mahuli ang anim na suspek na kinabibilangan umano ng mga bumaril sa mga biktima at mga nagsilbing middlemen.

Inihayag ng pulisya na July pa plinano ang pagpatay sa mag-asawa, at sa bahay mismo ng mga biktima unang binalak silang patayin.

"Nagkataon na yung location ng bahay ng mag-asawa malapit sa barangay, malapit sa police outpost. Nag-decline sila na gagawin doon [ang pagpatay]," sabi ni Police Lieutenant Colonel Joy Gollayan, Mexico Police Station chief.

Nasaan na ang mga mastermind sa krimen at papaano natukoy ang mga salarin na nagsagawa ng pagpatay sa mga biktima na humantong para sila maaresto? Panoorin sa video ang buong ulat. --FRJ, GMA Integrated News