Timbog ang isang lalaki matapos siyang tumakas umano sa isang checkpoint at mahulihan pa ng baril sa Duyan-Duyan, Quezon City. Ang suspek, pinaniniwalaang pinuno ng isang criminal gang.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nakuha mula sa 36-anyos na lalaki ang isang .38 revolver na kargado ng mga bala.

“Napa-flag down itong mga suspek na lulan ng motor. Instead na huminto, bigla itong kumaripas ng takbo. Nagkaroon ng habulan hanggang laglag itong backrider. At agad nasukol natin ito,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Zachary Capellan, Commander ng Anonas Police Station.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, dawit din sa iba't ibang krimen ang suspek. Dagdag nila, dati nang nabilanggo ang tatlo sa kasamahan sa criminal gang umano ng suspek.

“Itong suspek na ito, ito 'yung leader ng Pablo Criminal Gang na notorious na ang modus ay pang-hold up, akyat-bahay na ginagawa nila 'yung kanilang local operation within sa area ng Station 9,” ani Capellan.

Ika-apat na pagkakataon nang makukulong ng suspek, na dati na ring kinasuhan dahil sa ilegal na droga at pagsusugal.

Kita pa ang mga galos sa braso ng suspek mula sa kaniyang pagkakahulog sa motorsiklo.

“Pinahawak lang po sa akin ng kasama ko,” sabi ng suspek.

“‘Yun lang po ang sabi nila pero no comment na lang po,” sabi ng lalaki tungkol sa alegasyong lider siya ng isang criminal gang.

Nasampahan na siya ng reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, habang patuloy ang paghahanap ng pulisya sa nakatakas niyang kasamahan. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News