Dahil sa mga isiniwalat ni retired Police Colonel Royina Garma tungkol sa umano'y sistema sa war on drugs ng nagdaang administrasyong Duterte, lumutang ang posibilidad na maging state witness siya. Ngunit ayon kay Surigao del Norte representative Robert Ace Barbers, overall chairman ng Quad Committee, nakadepende ito sa pasya ng Department of Justice (DOJ).
“Siguro titimbangin muna ng DOJ 'yung kaniyang ini-reveal niyang information kung qualified ba siya to be state witness or to be a beneficiary of the witness protection program ng ating gobyerno,” ayon kay Barbers sa panayam ng Super Radyo DzBB nitong Linggo.
Ayon kay Barbers na chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na kasama sa QuadComm, susuriin din muna ng DOJ ang isinumite sa kanilang affidavit ni Garma para alamin kung pupuwede ba siyang maging state witness.
“(The DOJ is) doing their own investigation, yung kaniyang interview sa mga witnesses na nagbigay ng testimonya before the Quad Committee. Ganun din siguro ang mangyayari kay Garma effective siguro by this week. Meron din siyang interview for preliminary investigation siguro,” ayon kay Barbers.
Unang isinalang sa imbestigasyon ng Quad Comm si Garma, kaugnay sa naging partisipasyon niya sa nangyaring pagpatay sa dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.
Naging general manager si Garma ng PCSO sa ilalim ng administrasyong Duterte matapos siyang magretiro mula sa Philippine National Police (PNP) .
Sa pagdinig ng komite noong Biyernes, isiniwalat ni Garma ang naging sistema sa war on drugs ng administrasyong Duterte na mayroon umanong reward system sa mga mapapatay na drug personality na aabot ng hanggang P1 milyon ang halaga, depende sa kung gaano ito kakilala.
Idinagdag niya na kinausap umano siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang maghanap ng opisyal na magpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga na hango umano sa Davao model na mayroong reward system.
“Hindi naman ibig sabihin si Garma nagbigay ng testimony at sworn statement sa Quad Comm eh paniniwalaan namin yan,” ayon kay Barbers. “Of course itong pag-aaralan nang mabuti, titimbangin kung ano ba dapat ma consider based sa circumstantial evidence na nakukuha din ng Quad Comm.”
Tinukoy din ni Garma sina Senator Christopher "Bong" Go at National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo na may kinalaman umano sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Imahinasyon lang
Tinawag naman ni dating presidential chief legal counsel at Duterte spokesperson na si Salvador Panelo na “pure imagination or fertile speculation,” ang sinasabing rewards system sa war on drugs.
Ayon kay Panelo, July 2016 nang maupong pangulo si Duterte habang sinasabi ni Garma na May 2016 umano sila nag-usap ni Duterte para maghanap ng mamumulo sa war on drugs.
“What is evident is that Garma may have succumbed to threat or intimidation under pain of incarceration if she did not make the allegations contained in her affidavit,” ani Panelo.
“Garma claims she declined being part of the alleged intended replication of the 'Davao model,' if that is so, she could not have any knowledge of the Davao model plan—assuming there was one—if it was pursued or operated,” dagdag pa ng dating opisyal.
Sinabi rin ni Panelo sa isang pahayag na wala pang imbitasyon na natatanggap si Duterte mula sa komite ng Kamara.
“In his press conference in Davao he would attend if invited with one condition : The members of the committee should ask educated questions and not irrelevant, stupid and private invasive queries,” aniya.-- mula sa ulat ni Mariel Celine Serquina/FRJ, GMA Integrated News