Hindi rin nakaligtas ang singer-actor na si Boboy Garrovillo sa mga maiinit na tanong sa programang "Lutong Bahay." Tanong ng host na si Mikee Quintos, ano ang naging reaksyon niya nang masangkot noon sa isang eskandalo si Jim Paredes na kaibigan at kasama niya sa OPM group na APO Hiking Society?

Sa segment na "Kitchen-terrogate," tinanong ni Mikee kung nagalit o nagtampo ba si Boboy sa naturang eskandalong kinasangkutan ni Jim.

Kung hindi sasagutin ni Boboy ang tanong, kailangan niyang kainin ang mapipiling secret food na karamihan ay maasim.

Sa simula, tila ayaw sagutin ni Boboy ang tanong pero nagpasya siyang sagutin ito.

"Sige. Nagalit ako. Wala na ha," sabi ni Boboy na pahiwatig na hindi na niya susundan ang kaniyang sinabi.

Tinanong din si Boboy kung sino sa mga dati niyang nakatrabaho ang ayaw na niyang makatrabahong muli.

Muling nag-alangan ang veteran singer na sagutin ang tanong at kakain na lang ng maasim.

"Gusto kong sabihin pero ayaw ko,' natatawa niyang sabi. "Ibubulong ko na lang sa inyo pagkatapos."

Pero tila hindi rin nakatiis si Boboy kaya nagbigay na lang siya ng clue kung sino ito na mayroong umanong "W."

Sa naturang episode din, tinanong si Boboy kung ano mensahe niya kay Danny Javier, na kasama nila sa APO pero pumanaw noong 2022.

“I really miss you, especially when we have very, very successful shows. We wish we could share it with you. I'm sure, tumatalon-talon [ka] rin sa langit,” saad niya.

Ayon kay Boboy, tila nagkaroon ng "bungi" sa kanilang pagbabalik ni Jim sa pagtatanghal ngayong wala na si Danny.

“Can you imagine, for 45 years, we've been performing together tapos siya 'yung spokesperson namin sa stage, lahat ng banter namin sa stage, lahat ng katuwaan namin, lahat ng gimik nasa gitna siya,” saad ni Boboy.

"Tapos nag-umpisa kami ni Jim last year [mag-concert muli], parang tinatakbo namin 'yung mga spiels, nabubungi eh… 'sinong magsasabi nun?," patuloy niya.

Ayon kay Boboy, binuo nila ang Apo bilang grupo kaya hindi sila maaaring mag-solo.

“Kasama namin siya noong we were building the Apo Hiking Society to something greater than us. Kaya hindi kami nagso-solo, eh. Hindi kami puwedeng mag-solo, ang lakas namin kapag magkakasama kami,” saad ni Boboy.-- FRJ, GMA Integrated News