Sa halip na gumamit ng pamingwit, dinakma na lang ni Buboy Villar ang paghuli ng mga palaka sa Pampanga. Ang kaniyang mga nahuli, ipinaluto niya ala-“Tugak Betute,” at kinain.
Sa programang "I-Juander," sinabing patok sa Magalang, Pampanga ang mga palaka bilang pagkain.
Dahil nakakapaminsala rin sa palayan ang mga palaka kaya sila hinuhuli ng mga tao at niluluto para pakinabangan.
Ang isa sa sikat na luto sa palaka at dinadayo rin sa Magalang ay ang relyeno na tinatawag na “Tugak Betute.”
Ang may-ari ng Mi-Abe Kapampangan Cuisine na si Nerissa Baluyut, ikinuwentong natutunan niya ang pagluluto ng relyenong palaka mula sa kaniyang ina, na nagluluto tuwing piyesta.
Upang matikman ang relyenong palaka, hinamon ng "I-Juander ang "Running Man" cast na si Buboy na magtungo sa Pampanga at manghuli ng mga palaka.
Noong una, tinuruan si Buboy kung papaano manghuli ng palaka sa bukid gamit ang pamingwit na may pain na uod.
Pero dahil walang mahuli at may namataang mga palaka na palakad-lakad lang sa damuhan, walang takot at arte na dinakma na lang ito ni Buboy.
Ang mga nahuli niyang palaka, ipinalinis at ipinaluto ni Buboy para gawing relyeno.
Papaano nga ba inihahanda ang exotic delicacy na “Tugak Betute,” at pumasa kaya ito sa panlasa ni Buboy? Panoorin ang episode sa video.-- FRJ, GMA Integrated News