Ikinuwento ni Chuckie Dreyfus kung ano ang ginawa ng isang artista at mga kasama nito sa kuwarto na kanilang tinuluyan sa taping na ikinainis niya kaya ayaw na niya itong makatrabahong muli. Sino kaya ang naturang artista?

Sa programang "Lutong Bahay," tinanong ng host na si Mikee Quintos si Chuckie kung mayroon at sino ang nakatrabaho niyang artista na ayaw na niyang makatrabahong muli at bakit.

Ayon kay Chuckie, nangyari ang insidente sa location taping at silang dalawa ng naturang artista ang magkasama sa kuwarto.

Pero naunang natapos ang mga eksena ng naturang artista kaya nauna itong umalis. Gayunman, naiwan umano ang mga kasama ng naturang artista na maaaring chaperone, o bantay, o barkada nito.

Bukod pa rito, mayroon pa raw itong kasama na dalawa o tatlong tao.

Paliwanag ni Chuckie, wala naman daw problema sa kaniya kung iwanan ng naturang artista ang mga kasama nito sa kuwarto. Pero ang hindi niya nagustuhan ay ang ginawa ng mga ito sa kuwarto.

"[Pagpasok niya sa kuwarto] Puro usok. Akala mo nasa dream sequence ako, parang fantasy na...tapos nag-iinuman sila. Ang ingay talaga," ayon kay Chuckie.

Lalo pa umanong nagulantang si Chuckie nang pumunta siya sa banyo.

"Eh ako magbabanyo muna ako, maliligo ako at mag-aayos. Pagbukas ko ng pinto, puro suka yung sahig. Tapos barado yung inidoro," patuloy ng aktor.

"Nag-party talaga. Galit na galit talaga ako," sabi pa ni Chukie. "Nagwala ako sa kuwarto."

Tinukoy ni Chuckie ang pangalan ng aktor na nagpatawa kay Mikee pero hindi na ipinaalam ng programa kung sino ang naturang artista. -- FRJ, GMA Integrated News