Hindi makapaniwala ang isang pamilya sa Lagangilang, Abra matapos na makunan umano ng larawan ang kanilang lola na nakadungaw sa bintana kahit na 15 taon na itong patay.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ng batang si Mhelody Claor na siyang kumuha ng larawan na ang kaniyang Nanang Betty talaga ang kinunan niya ng larawan habang nagbabalat ng pinya.
Nagkataon lamang na makikita sa background ng larawan ang bahay na kita ang bintana, at dito na napansin na may tila tao na nakadungaw.
Nang makita ng ina ni Mhelody na si Melchie Claor ang larawan, sinuri niya ito at nang kaniyang i-zoom ang tila tao na nakadungaw sa bintana, kumbinsido siya na ito ang kanilang Lola Oning, na mahigit isang dekada nang patay.
Pumanaw si Lola Oning noong 2009 sa edad 75.
Madalas daw talagang dumungaw sa naturang bintana si Lola Oning noong nabubuhay pa ito.
Bago pa man makunan ang larawan, makailang beses na rin umanong nagpaparamdam sa kanila si Lola Oning, na isang kumadrona noong nabubuhay pa.
Paniwala ni Melchie, nagparamdam ang kanilang Lola Oning dahil maselan umano ang kaniyang ipinagbubuntis.
Gayunman, may ibang naghihinala na ang pigura na nakunang nakatungan sa bintana ay ang kinakasama ni Beatriz na si Ruben Millare.
Pero itinanggi ni Ruben na siya ang nasa litrato dahil wala raw siya sa bahay nang araw na makunan ang bintana, at pinatotohanan naman ito ng isa nilang kapitbahay na nagsabing nakita talaga niya nang umalis noon si Ruben.
Ano nga ba ang katotohanan sa naturang larawan at ano ang obserbasyon ng mga eksperto na sumuri sa naturang larawan? Tunghayan sa video ng KMJS ang buong kuwento, at alamin ang paliwanag ng isang pari tungkol sa kaluluwa ng tao matapos namayapa na. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News