Nakalibre ng tatlong balut at nakatangay pa ng P925 na "sukli" ang isang manloloko matapos siyang magbayad ng pekeng P1,000 sa biniktima niyang balut vendor sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, nanlumo at nanghihinayang ang 72-anyos na balut vendor na biktima na si Sonny Soriano sa perang nawala sa kaniya.
Tatlong balut daw ang kinuha ng manloloko at P1,000 na papel ang ibinayad sa kaniya. Kinabukasan pa niya nalaman na peke ang pera.
“Binigay niya P1,000. Sabi ko, 'baka peke ito…' Sabi niya, 'hindi po.' Sinuklian ko siya at kinabukasan ko nalaman na peke pala,” kuwento ni Soriano na butas ang damit nang araw na makapanayam.
Sa pagtitinda ng balut sinusuportahan ni Soriano ang kaniyang pamilya, at sa pagtitinda rin niya kinukuha ang pambili niya ng gamot.
“Nanghinayang talaga ako pero wala ako magawa. Kahit magalit ako, wala na ako magawa. Basta hindi ako nanloko; sila ang nanloko sa akin,” sabi ng biktima.
Hinala ng pulisya, mga senior citizen na katulad ni Soriano ang pinupuntirya ng manloloko.
“Hinihiling natin sa ating mga kababayan na maging mapagmatyag at tingnan mabuti ang nakapaligid na tao, kung may kahina-hinala na malapit sayo ay huwag mag-atubili na pumunta sa ating himpilan,” sabi ni Police Captain Renan dela Cruz, public information officer ng Pangasinan Police Provincial Office.-- FRJ, GMA Integrated News