Isang pambihirang lamang-dagat ang nakuhanan ng video ang mga scientist sa Amerika na nagsagawa ng deep-sea research sa karagatang bahagi ng Hawaii.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang isang lamang-dagat na lumalangoy na mukhang octopus dahil sa kaniyang mga galamay.
Pero agaw-pansin ang dalawang malapad niyang tila tenga sa ulo na gumagalaw habang lumalangoy.
Nakuhanan ang kakaibang pugita sa Papahanaumokuakea Marine National Monument na matatagpuan sa Hawaii.
Ang kakaibang lamang-dagat ay nahagip ng camera ng Ocean Exploration Trust na nagmanman sa lalim na 1,682 meters gamit ang isang unmanned vessel.
Ayon sa mga siyentipiko, ang kakaibang lamang-dagat ay tinatawag na Grimpoteuthis sp. o 'Dumbo' octopus.
Ang pangalan nito ay halaw sa Disney character na elepanteng may malapad na tenga na nagagamit niya para makalipad.
Ginagamit din kasi ng dumbo octopus ang kaniyang tila tenga na fins para makagalaw o sa paglangoy.
Gaya ng ibang pugita, mabilis ding lumangoy ang mga dumbo octopus dahil sa kanilang tentacles.
Ngunit hindi gaya ng ibang pugita, walang tinta na inilalabas ang dumbo octopus. Bilang pangdepensa sa kalaban, mayroon silang matatalas na spines sa kanilang galamay.
Mayroon umanong mahigit isang dosenang species ng dumbo octopus sa mundo. Pero hindi sila madaling makita ng tao dahil nakatira sila kailaliman ng dagat at madalas sa seafloor para mangitlog at sa naghahanap ng pagkain gaya ng crustaceans.-- FRJ, GMA Integrated News