Hindi maiiwasan sa mga trabaho, sa biyahe o maging sa loob na bahay na posibleng maaksidente at mabagok ang ulo. Ano nga ba ang dapat gawin kapag nangyari ito?
Sa programang "Pinoy MD," ipinakita ang nangyari sa construction worker na si Mang Ruel Ragay na nahulog habang nagkukumpuni ng bahay.
Sa kaniyang pagbagsak, tumama ang kanilang balikat at ulo. Ilang saglit lang ay nakabangon din naman kaagad siya.
Bagaman naipagpatuloy pa niya ang kaniyang trabaho, nagtamo siya ng bukol at nakaramdam ng panghihina pag-uwi niya sa bahay.
Dahil na rin sa kakapusan ng pera, hindi nakapagpasuri sa duktor si Ragay.
Kaya naman sinamahan siya ng programa kay Dr. Jerold Justo, neurosurgeon sa The Medical City.
Sa pagsusuri, lumitaw na posibleng may diplopia o nagiging dalawa ang tingin ni Ragay sa bagay. Bagaman hindi tiyak, posible raw na sintomas ito na may ugat sa utak niya na naiipit.
Kailangan lamang imonitor ang kaniyang kondisyon kung kusa itong mawawala. At dahil na rin sa kaniyang edad, hindi na muna siya kailangang isailalim sa CT scan.
Ayon kay Doc Justo, ang mga ugat na konektado sa katawan ang pinaka-naapektuhan kapag nababagok ang ulo ng tao.
Ang karaniwan daw na nawawala sa ganitong aksidente ay ang pang-amoy ng tao. Nasa bahagi raw kasi ng utak na malapit sa bungo ang nerve na nagkokontrol sa pang amoy.
Pangalawa na mas common na naapektuhan kapag nabagok ay ang nerve na nagkokontrol sa muscle o sa facial expression kagaya ng pagngiti.
Maaari ding ma-comatose ang taong nabagok ang ulo o masawi.
"Yung mga 'yon kapag hindi naagapan maaaring ipitin niya yung utak and kapag hindi na-address, puwedeng maipit nang maipit yung pinakatangkay ng utak. Kapag nangyari po iyon, yung tao puwedeng ma-comatose and puwedeng mamatay," saad niya.
Payo ni Doc Justo kapag nabagok, huwag kaagad tumayo o bumangon ang pasyente. Makabubuti umano na pakiramdaman muna ang sarili.
Mas makabubuti kung tatawag ng medical personnel para masuri muna ang kalagayan ng pasyente.
Kung nahilo o nagsuka matapos mabagok, dapat magpadala na agad sa pinakamalapit na ospital.
"Ibig sabihin niyan ay may nagko-cause nang mataas na pressure sa loob ng utak. So kailangan na ma-evalute ng duktor kung kinakailangan na ma-CT scan para malaman kung ano ang nangyayari sa loob ng utak," pahayag niya.
Kung nagkaroon ng bukol dahil sa pagkakabagok, mainam na lagyan ng cold compress bilang first aid para mabawasan ang pamamaga sa labas ng ulo.
Pero totoo ba na hindi dapat patulugin ang taong nabagok ang ulo? Alamin ang payo ni Doc. Justo sa video. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News