Isang laboratoryo sa Amerika ang kaya umanong gumawa ng karne at pati na seafood na hindi kailangang kumatay ng hayop o manghuli ng isda, at hindi rin plant-based. Ang lasa nito, ikinamangha ng British entrepreneur na si Richard Branson.
Sa video ng GMA Next Now, sinabing ang kakaibang karne ay nililikha sa Engineering, Production and Innovation Center ng kompanyang UPSIDE Foods sa California, USA.
Sa pamamagitan ng nakokolektang animal cells, kaya na raw gawin ang karne ng hayop at maging seafood.
"We are the first company in the world, founder of the mission of bringing cultivated meat to familes across the world," sabi ni Dr. Uma Valeti, CEO, UPSIDE Foods.
Inilalagay ang mga nabubuo nilang cells sa cultivators na hinahaluan ng mga nutrisyon at bitamina bilang growth medium. Mula rito, namumuo umano ang cells bilang karne.
Ang ginagawa ng UPSIDE Food, aprubado umano ng Food and Drugs Administration o FDA ng Amerika.
Bukod sa mas ethical sa mga hayop ang mga karne na gawa ng laboratoryo, environment-friendly raw ang proseso nito kumpara sa animal agriculture na malaki umano ang kontribusyon sa global warming.
Pero ano naman kaya ang lasa ng karne na gawa sa laboratoryo?
"Wonderful! Wow!," sambit ni British Entrepreneur na si Richard Branson na makikita sa video na pinatikim umano ng pambihirang karne.
"Quite brilliant. Thank you. If you can grow enough meats and fishes and other things, you can save the rainforest, you could...ultimately save the world," sabi ni Branson kay Valeti.-- FRJ, GMA Integrated News