Bagaman sa dagat nabubuhay, nakita sa Southern Pyreness mountain sa Spain ang bahagi ng isang dambuhalang pagong na sinasabing kasing laki ng sasakyan at nabuhay sa mundo na tinatayang 70 milyon taon na ang nakalilipas.
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang ginawang paghuhukay ng mga archeologist sa fossil na kahalintulad ng carapace o shell ng mga leatherback turtle.
Matapos ang masusing pag-aaral ng mga siyentipiko, nadiskubre na galing ang fossil sa isang uri ng pagong na kasing laki ng sasakyan--ang Laviathanochelys aenigmatica.
Pinaniniwalaan na nabuhay ang Laviathanochelys aenigmatica 70 milyon taon na ang nakalilipas. Halos tugma ang mga katangian nito sa Archelon o ang pinakamalaking pagong sa kasaysayan.
Tinatayang nasa dalawang tonelada ang bigat ng Leviathanochelys, at nabuhay raw noong Cretaceous Period o huling yugto ng Age of Dinosaurs.
Kasabay nitong nabuhay ang iba pang naglalakihang marine reptiles gaya ng Mosasaurs at Plesiosaurs.
Bagaman sa karagatan nananatili ang mga Leviathanochelys, pumupunta sila sa pampang para mangitlog.
Pero may nadiskubre pa ang mga dalubhasa tungkol sa fossil na kanilang nakita, at nagbigay sa kanila ng dagdag na interes. Alamin sa video kung ano ito. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News