Ang anak ng mangingisda na dating kinakapos sa pagkain, ngayon, may sarili nang restobar at iba pang negosyo dahil sa kaniyang pagsisikap at pumatok na negosyong bagoong na nasa bote.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho," bumida ang tindang bagoong na de-bote ni Bryan Doza na mula sa Tanza, Cavite, na sinasamahan ng iba't ibang toppings gaya ng bagnet, sisig, tapa at buffalo wings.

Mabibili ang kada bote mula P180 hanggang P200, depende sa flavor.

Anak ng mangingisda si Doza, at kung minsan ay sumasama rin siya sa paghuli ng alamang na ginagawang bagoong.

Ngunit madalas umanong hindi sapat ang kinikita noon ng kaniyang mga magulang para sa kanilang tatlong magkakapatid. At kapag walang makain, ang alamang na kanilang nahuhuli ang kanilang inuulam.

Dahil sa hirap ng buhay, hindi nakapagkolehiyo si Doza. Kaya iba’t ibang trabaho ang kaniyang pinasukan, at naging OFW pa sa Saudi Arabia bilang car wash boy para makatulong sa pamilya.

Nang nagkaroon ng problema si Doza sa kaniyang amo, umuwi siya sa Pilipinas. Sa kaniya namang pagbabalik-bansa, sinubukan ni Doza na gamitin sa pagnenegosyo ang naitabing P10,000 para sa food bottle products.

“Ang pinaka-main talaga po namin product kasi is bagoong eh. Para medyo lumaki po ‘yung demand, nilagyan po namin siya ng twist, nilagyan po namin siya ng meat,” sabi ni Doza.

Ngayon, kaya na nilang lumikha ng 500 hanggang 1,000 bote ng bagoong kada araw.

Nakapagpatayo na rin si Doza ng seafood restobar at nakapagpundar na rin ng mga ari-arian.

"Masarap sa pakiramdam na umaasenso ka at lumuluwag na rin sa buhay. At the same time, natutulungan mo rin yung mga mangingisda na dating nakakasama ko," saad niya.

"Yung pangarap kasi hindi lang basta nasa negosyo nasa ibang tao rin para mahila sila paangat," dagdag niya.

Sa isa namang kainan sa Baguio City, katerno ng liempo ang sauce na gawa sa dugo ng baboy na paandar ni Mang Eduardo dela Cruz.

Nakuha ito ni dela Cruz galing sa personal recipe ng kaniyang ina. Ang dugo namang ginagamit, hinahango niya mula sa kalapit na slaughterhouse.

Sa likod ng kaniyang tagumpay, may madugong nakaraan si dela Cruz, na nakulong siya noon ng 14 taon matapos i-frame up umano at mapagbintangan sa kasong murder.

Kahit nakakulong, nagpatuloy si Mang Ed sa pagluluto at nagboboluntaryo na magluto ng meryenda. Ang misis niya ang bibili ng mga sangkap mula sa labas habang siya naman ang magluluto sa piitan.

Taong 1998 nang makalaya na siya. Ngunit dahil sa pagiging ex-convict, wala siyang nahanap na trabaho.

Hindi siya sumuko at nagpatayo ng sarili niyang kainan at naghain ng iba't-ibang mga luto na natutunan niya sa kaniyang ina, kasama na ang dugo sauce na katerno ng liempo.

Lumago ang kaniyang negosyo at naging walo ang kaniyang branch, sa tulong na rin ng kaniyang mga anak.

Nagkaroon na rin siya ng tatlong bahay. Ang kaniya namang mga anak, mayroong kaniya-kaniyang sasakyan.

“Kahit anong hirap sa buhay, ang masasabi ko lang, magtiwala lang tayo sa Panginoon at manalig sa Kaniya,” sabi ni dela Cruz. --FRJ, GMA Integrated News