Inilahad ni Jillian Ward na abala siya sa kaniyang buhay at mga ginagawa kaya wala na siyang oras para sa hidwaan. Tugon ito ng aktres sa naunang pahayag ni Sofia Pablo tungkol sa "feud" nila na hindi nareresolba dahil hindi sila nakakapag-usap.
“Ako po kasi, again, I’m doing so much in my life, I don’t have time to fight with anyone. So hindi ko po alam saan [nanggaling] ang narrative na ‘yun or fighting. I’m doing different things and I’m self-reflecting still ‘yung sa separation ng parents ko,” sabi ni Jillian sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Miyerkoles.
Dagdag ni Jillian, nalilito siya sa resulta ng kung anuman ang mayroon ang ugnayan nila ni Sofia.
“I'm just confused on what's happening. I feel like what we need right now with everyone is to focus on ourselves and to be very honest with everyone around us and with ourselves,” anang “My Ilonggo Girl” star.
Para kay Jillian, pagtutuunan na lang niya ang mas mahalagang bagay sa buhay gaya ng kaniyang pamilya.
Sinabi pa niya na wala siyang oras para sa negativity, lalo’t maraming magaganda ang nangyayari sa buhay niya.
“I'm so happy with my blessings. I'm so happy to be surrounded with honest and very loving, loyal people like Michael,” sabi ni Jillian tungkol sa kaniyang leading man sa series na si Michael Sager.
Matatandaang sa panayam sa GMA Integrated News Interviews nitong Lunes, sinabi ni Sofia na may apat na taon na ang "hidwaan" nila ni Jillian.
"Actually, lagi siyang natatanong sa 'kin and I've always said na hindi kami magkaaway, hindi rin kami magkasundo or something," sabi ni Sofia.
"Pero the truth is, I say that para iwas na issue sa amin both. Kumbaga, it's a feud na sobrang tagal na. I think one of the things kaya 'di namin siya naayos is because we never got to talk about it," pagpapatuloy niya.
Ayon kay Sofia, nagsimula ang hidwaan nila ni Jillian sa unang season ng kanilang afternoon series na "Prima Donnas," na nagsimulang umere noong 2019.
Gayunman, hindi na niya idinetalye ang ugat nito.
"Nagulat na lang ako biglang hindi na. Ganu’n 'yung nangyari sa amin. After nu’n, we never talked anymore. We're close tapos biglang wala na. Like literal wala na, in a snap, wala pong buwelo na ilangan. Literal, stopped," ani Sofia. -- Jamil Santos/FRJ, GM Integrated News