Isang lalaking hinuli at pinosasan dahil maingay umano habang nag-iinuman ang pinagsasapak ng barangay chairman at misis niyang kagawad sa Santa Ana, Maynila.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang viral video na nakunan nitong Lunes kung saan tatlong magkakasunod na sapak ang pinakawalan ni Barangay 901 chairman Jerome Advincula sa lalaking hinuli.
Sunod namang nanapak ang asawa ng kapitan na si Lucille Advincula.
Sinabi ng Manila Police District na ang lalaking sinapak ng mga opisyal ay isa sa anim na dinakip ng kapitan at ilang tanod dahil sa kanilang kaingayan umano habang nag-iinuman.
Nakakulong na sa Santa Ana Police Station ang anim, na hindi muna nagbigay ng kanilang panig habang hindi pa nakakausap ng public attorney’s office na tutulong sa kanilang kaso.
Tinungo ng GMA Integrated News sina Kat Kagawad Advincula upang makuha ang kanilang panig ngunit tumanggi rin silang magsalita alinsunod sa payo ng kanilang abogado.
--VAL, GMA Integrated News