Dalawang babae ang nasawi matapos salpukin ng isang pickup-truck ang sinasakyan nilang tricycle sa Davao del Sur. Sa lakas ng pagkakabangga, mistulang nahati ang tricycle.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing kanina nangyari ang insidente sa Digos-Makar Road sa Barangay Balutakay sa bayan ng Hagonoy, Davao del Sur.

Ayon sa pulisya, binabagtas ng dalawang sasakyan ang magkabilang direksiyon ng kalsada nang mawalan ng kontrol ang driver ng pickup truck at ilang beses nagpaikot-ikot bago nasalpok ang tricycle.

Sa lakas ng banggaan, nawasak ang tricycle at tumilapon ang mga biktima.

Bukod sa dalawang babae na nasawi, sugatan din ang driver ng tricycle at isa pang sakay nito na batang lalaki na pitong-taong-gulang.

Madulas umano ang kalsada nang panahon na nangyari ang trahedya dahil basa ito dulot ng ulan.

“‘Yung pickup… at the place of the incident, ‘yung pick up po, nag-swirl po siya. Umikot po siya ng limang beses at tsaka, and then, it hit the pedicab,” ayon kay Hagonoy Police Station Traffic Investigator, Staff Sergeant Sittie Sajile.

Inaresto ang driver ng pickup truck na mahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injury, and damage to property. --FRJ, GMA Integrated News