Isinailalim sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Mabalacat City, Pampanga ang dalawang batang lalaki na edad walo at 10 matapos silang ireklamo ng umano'y panghahalay ng isang batang babae na edad anim.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naglalaro ang biktima kasama ang nakababata nitong kapatid sa isang bahagi ng basketball court nang hilahin siya ng dalawang batang lalaki sa damuhan.

“‘Yung 10 years old, allegedly hinila niya ‘yung biktima na six-years-old doon sa grass portion ng barangay, and then doon na nga po ay allegedly ni-rape ‘yung bata,” ayon kay Police Colonel Jay Dimaandal, Provincial Director of the Pampanga Police Provincial Office (PPO).

Nang makauwi ang batang babae, nagsumbong siya sa kaniyang ina, at nagpunta sila sa barangay.

“‘Yung magulang po pinuntahan si barangay chairman and noong nalaman po ng barangay chairman, pinuntahan po nila ‘yung dalawa [na] CICL (child in conflict with the law) and then dinala po sa station ng Mabalacat,” dagdag ni Dimaandal.-- FRJ, GMA Integrated News