Isang 81-anyos na lalaki ang inoperahan matapos siyang dumaing na nahihirapan at masakit ang paghinga. Nang isailalim sa X-ray, nakitang may nakabarang pustiso sa kaniyang lalamunan.
Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Miyerkoles, inilahad ng isang surgeon na apat na araw nang nagrereklamo ang senior citizen tungkol sa kaniyang nararamdaman.
Nang suriin ang kaniyang x-ray, nakitang may nakabara palang pustiso sa lalamunan ng pasyente, na mayroon ding sakit na epilepsy.
Noong minsan siyang atakihin ng kombulsyon, inakala ng pasyente na nailuwa niya ang pustiso kaya nawala. Ngunit ang hindi niya alam, nalunok niya pala.
"During a convulsive episode in Huacho on December 13, 2024, he expelled a dental prosthesis - that's what the patient thought. But what really happened was that he had ingested this foreign body, it had remained in the hypopharynx," sabi ni Dr. Raul Maurta ng Sabogal Hospital, sa ulat naman ng GMA Integrated Newsfeed.
Nagawa namang matanggal ng mga doktor ang pustiso na bumara sa kaniyang hypopharynx, at kinalaunan ay pinayagan na siyang makalabas ng ospital.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News