Isang ginang ang nasawi matapos barilin ng kaniyang kapitbahay na lalaki sa Bacolod City. Ang pinaniniwalaang ugat ng krimen, ang hidwaan ng dalawa dahil umano ang ikinakalat na tsismis ng biktima tungkol sa suspek.
Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Miyerkules, sinabing nagtamo ng tama ng bala sa likod ang 51-anyos na ginang na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Ayon sa pulisya, may hidwaan na ang suspek at biktima noong pang isang taon dahil sa alegasyon na ipinapamalita ng ginang na may ibang karelasyon ang lalaki.
Ipinarating pa umano ng biktima ang tungkol sa pambabae umano ng suspek sa live-in partner ng huli na nasa ibang bansa.
Ayon naman sa anak ng ginang, totoo na madalas makipag-usap ang kanilang ina sa iba nilang kapitbahay pero hindi umano ito nakikialam sa buhay ng suspek.
Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang tumakas na suspek.-- FRJ, GMA Integrated News