Inihayag ni Philippine Consul General in Los Angeles Adelio Angelito Cruz na umakyat na sa 24 ang nasawi sa mapaminsalang wildfires sa California. Hindi pa batid kung may kasamang Pinoy na nasawi dahil natupok ang ilang biktima kaya hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Ayon kay Cruz, halos 200 Pinoy na ang naitalang nawalan ng tirahan dahil sa wildfires at posibleng madagdagan pa umano ang bilang.
Tiniyak niya na ligtas ang mga Pinoy na dinala sa evacuation centers sa lungsod. Inaalam din ng mga Philippine official sa LA kung naka-insured ang mga apektadong bahay ng mga Pinoy.
Ayon kay Cruz, wala pang kumpirmasyon kung may Pinoy na kasama sa 24 na naitatalang nasawi sa sunog.
“Sa ngayon, hindi pa makapagbigay ng pahayag ang mga LA county coroner's office sapagkat natupok po ang mga bangkay at kakailanganin pa ng mga DNA tests. Aabutin daw ng mga ilang linggo bago makapag-release sila ng opisyal na listahan,” paliwanag ng consul general.
Una rito, umapela ng tulong ang mga Pinoy at Filipino Americans na naapektuhan ng sunog at napinsala ang mga bahay.
Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr., na tukuyin ang mga Pinoy na nangangailangan ng tulong doon dahil sa epekto ng wildfires.
''Yes, he directed our consulate in Los Angeles to work with local authorities in identifying Filipino nationals in need of assistance,'' mensahe ni Romualdez sa GMA News Online.
Maaaring makipag-ugnayan sa konsulado sa numerong (323) 528-1528 ang mga Pilipino na apektado ng wildfires na kailangan ng tulong.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News