Isang lalaki na matagal nang wanted sa kasong rape ang nahuli dahil sa ka-date niyang police asset sa Pasig City.

Matapos ang isang dekadang pagtatago, tuluyan nang napasakamay ng pulisya isang lalaki na wanted sa kasong panggagahasa San Juan, Batangas.

Ang biktima, pamangkin ng akusado na noon ay 14-na-taong gulang pa lang.

Ayon sa pulisya, matapos malaman na sinampahan siya ng kasong rape, agad na nagtago ang akusado sa bahagi ng Antipolo, Cainta at Maynila.

Naging mailap daw siya sa mga pulis dahil sinusuportahan siya ng kanyang pamilya sa kabila nang nagawa nitong krimen.

Sa nakuhang impormasyon ng mga awtoridad, nalaman na “party goer” ang target at madalas gumigimik sa gabi

Kamakailan lang, nabugbog umano siya sa isang bar sa Antipolo pero hindi siya nagsampa ng reklamo dahil malalaman na mayroon nakabinbing warrant of arrest laban sa kanya.

Sa tulong ng confidential informant, nalaman ng mga pulis ng ang pinagtataguan ng akusado.

Agad daw nilang ipinain ang isa sa kanilang mga babaeng police asset. Nakipag usap umano ito sa social media hanggang sa makuha ang loob ng akusado at nagkasundo na magkita sa Pasig City kung saan siya nahuli ng mga pulis.

Nasa kustodiya ngayon ng Manila Police District ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.

--VAL, GMA Integrated News