Inihayag ni Shaira Diaz na ngayong 2025 na ang kasal nila ni EA Guzman, at ibinahagi rin ang ilan sa kanilang mga plano, kabilang ang mga makakasama sa entourage at lugar ng kasal.

"'Yung kasal po, definitely this year na po 'yan," sabi ni Shaira sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles.

Plano raw na bilhin sa South Korea ang gagamitin niyang gown.

“Bibilin ko siya sa Korea, kasi sobrang love ko ‘yung Korea, ‘yung culture nila. Mahilig ako sa K-drama, K-pop, BTS... so gusto ko lagyan ng something very personal sa’kin,” saad ng TV host-actress.

Plano ng dalawa na gawin ang church wedding sa Silang, Cavite “para po tahimik, away from the noise.”

"My dream wedding, very intimate lang po, close friends," pagbabahagi pa ni Shaira.

Kasama sa kaniyang magiging entourage sina Arra San Agustin, Kaloy Tingcungco, Anjo Pertierra, Julia Montes, at iba pa.

“'Yung mga naka-witness ng love story namin from the very start, nandiyan po sila,” sabi ni Shaira.

Ayon pa kay Shaira, hindi siya nakaramdam ng stress kay EA pagdating sa paghahanda niya ng kanilang kasal.

"Hinahayaan niya lang ako. Kung may idea ako na gusto kong makita sa wedding namin, pinapakita ko and nag-ye-yes lang siya," anang aktres.

“Sabi niya nga, 'yung kasal is for the bride talaga eh, so binibigay niya sa 'kin ‘yun, walang away, walang pressure, walang stress,” dagdag ni Shaira na muling mapapanood sa season 2 ng TV series na "Lolong: Bayani ng Bayan."

Naging engaged sina Shaira at EA noong 2021, pero isinapubliko lang nila ito noong Pebrero 2024.

Muling gaganap si Shaira bilang si Elsie sa “Lolong: Bayani ng Bayan" na magsisimulang umere sa GMA Prime simula Enero 20. -- FRJ, GMA Integrated News