Mag-isa lang na nagtatampisaw sa sapa sa Cavinti, Laguna ang isang babae pero lumitaw sa larawan na dalawa siya. Ang isang imahe, sinasabing elemento na nag-anyong tao at ginaya ang babae.
Sa programang "Dapat Alam Mo!," ikinuwento ni Carina Cajolao na tumayo ang balahibo niya nang kunan niya ang kanuyang pinsan na si Elma Salagubang, at makitang naging dalawa ito sa larawan habang naliligo sa sapa.
"Dahil doon may bukal, doon kami nakuha ng mainom. Nakita namin doon na may ilog. Masaya ako kasi parang gustong gusto kong maligo doon. As in talagang maganda, parang ayoko nang bumaba noon eh," sabi ni Elma.
"May nakikita po kasi akong parang gumagaya sa kaniya. Pagka-picture ko sa kaniya, piniktyuran ko rin 'yung puno. Lumabas sa malaking puno, mukha ng isang hayop, kabayo yata 'yon, parang nakatingin sa kaniya," sabi ni Carina.
Ang may-ari ng lugar na si Rachele Avenido, mayroon ding karanasang hindi pangkaraniwan sa kanilang sapa.
Isang araw nang maligo ang pamilya nina Rachele sa sapa, at nagpalaba naman kinabukasan. Pero pagkalipas ng tatlong araw, may nakitang mga buhangin at butil ng bato sa kama nina Rachele.
Imposible raw itong mangyari dahil nagpalaba na sila. Bukod doon, wala raw silang kinukuhang anuman sa lugar dahil iyon din ang mahigpit na bilin ng kanilang ama.
Kaya nilagay na lang ni Rachele ang isang malaking butil ng bato sa altar.
"Kasi naligo kami nag,'tabi-tabi po kami' eh. Doon sa may tulay, iba, magaan. Pero tumatayo ang mga balahibo mo doon, parang may mga engkantada," sabi ni Rachele.
"Noong una naligo 'yung mga anak ko, sabi ko, 'Tabi na kayo diyan kasi mag-a-alas dose na.' Ayaw nila tumigil, may dumaan na isda na malaki. Sabi ko 'Tara na kasi oras na nila ngayon eh,'" dagdag ni Rachele.
Paliwanag ng paranormal researcher na si Ed Caluag, posibleng may elementong bantay sa lugar ang gumagaya kay Elma.
"Iniisip ko talagang 'Meron ba akong kasama?' Nagulat po ako kasi naging dalawa ako. Natakot ako noong nakita ko," sabi ni Elma.
Sa pagkonsulta ni Elma kay Ed, dito na tila sumapi ang espiritu na nanggagaya umano kay Elma, na nakatira sa ilog at gustong sumama sa kaniya.
"Gusto ko siyang maging kaibigan," sabi ng espiritu na sumapi umano kay Elma. "Hatid ko siya. Hindi po (sasaktan). Mabait po siya."
Nagsagawa ng isang rituwal si Ed sa lugar para maputol na ang ugnayan umano ng espiritu kay Elma.
Pero paliwanag naman ng professional photographer na si Jijon De Guzman, ang larawan kung saan tila nagdoble si Elma ay resulta lamang ng high-dynamic range photography.
Ito ang aspeto ng photography na nagpapaliwanag sa kakayanan ng isang camera na kumuha ng mga detalye sa mga madidilim at maliliwanag na parte ng larawan.
"Kumuha siya ng tatlo o higit pang mga litrato. Habang kinukuhanan ng smart phone ang eksena, gumagalaw ang tao. So noong pinagsama-sama 'yung mga litrato, naging parang dalawa 'yung ulo at isa 'yung katawan," sabi ni De Guzman.
Tunghayan sa Dapat Alam Mo! kung ang pagdodoble ni Elma sa larawan ay dulot nga ba ng isang elemento, o gawa lamang ng potograpiya. --FRJ, GMA News