Kahit bulag, walang takot na umaakyat ng bundok at kumukha ng kawayan ang isang lalaki sa Zamboanga del Norte para gawing alkansiya at ibebenta para may panggastos at makatulong sa kapatid.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing linggo-linggo kung umakyat ng bundok sa Sindangan, ang bulag na si Ening, 46-anyos, kasama ang kaniyang kapatid para maalalayan siya.
"Bahala na kung mahulog basta okay lang. Bahala na kung pipilay-pilay. Nahilot din naman, wala na," sabi niya. "Dahan-dahan lang talaga para bang mga langgam. Kahit anong gawin ko, nababangga talaga ako. 'Yang naghahawak na lang ako ng tungkod."
Tulad sa paglalakad, kapaan din ang ginagawa ni Ening sa pagputol ng kawayan gamit ang matalas na gulok.
Bukod sa talas ng gulok, malaki rin ang peligro na mahulog at matusok si Ening sa pagkuha niya ng kawayan.
May pagkakataon pa na nababali ang kawayan at tumatama sa kaniyang dibdib.
"Mahirap-hirap talaga siya pero sige na lang kasi wala namang ibang trabaho, ito lang talaga ang pangunguha ng kawayan. Wala namang ibang pinagkakakitaan eh 'di umakyat na lang tayo ng kawayan para magkapera para makakain tayo ng bigas," sabi niya.
Napag-alaman na ang alkansiya na nagagawa niya mula sa kawayan ay naibebenta ni Ening sa halagang P50 hanggang P200, depende sa laki.
Ayon kay Ening, tatlong taon gulang siya nang mawala ang kaniyang paningin matapos magkaroon ng tigdas.
Dama pa rin daw niya ang pakiramdam ng nakakakita at nasa alaala pa rin niya ang hitsura ng kaniyang pamilya.
Ang kaniyang ate Arcilita, 60-anyos ang nagiging gabay niya sa pagkuha ng kawayan.
"Binilinan ako ng aking Papa noong maliit pa ako, 'yung kapatid mo huwag mong pabayaan,'" ani Arcilita.
Ang kinikita ni Erning sa pagbebenta ng alkansiya, iniipon niya para sa hinuhulugang motorsiklo ni Arcilita.
"Ang pangarap ko? Ang maahon kami sa kahirapan. Makakain ng tatlong beses sa isang araw," sabi niya.
Bilang tulong, naghanda ang KMJS para sa kaarawan ni Ening at pang-Noche Buena ng pamilya.
Nag-alok din ng tulong kay Erning ang Municipal Social Welfare and Development Office ng Sindangan, at ang Provincial Government ng Zamboanga Del Norte.
Dinala rin siya sa espesyalista sa mata para alamin ang tunay na dahilan ng pagkawala ng kaniyang paningin.
May pag-asa pa kaya siyang makakita? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
Sa mga nais tulong kay Erning, maaaring magdeposito sa:
LANDBANK SINDANGAN BRANCH
DIONILO T. SAGANG
2556193340
—FRJ, GMA News