Nauwi sa live stealing ang ginagawang live selling ng isang tindera ng mga sapatos at damit sa Caloocan nang tangayin ng kawatan ang cellphone na ginamit sa streaming.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, makikita sa video ang suspek na kunwaring bibili ng dalawang pares ng sapatos nitong Lunes.

Nang sandaling iyon, naka-live selling ang tindera habang inaasikaso ang lalaki na nagpahanap pa kunwari ng maayos na kahon para sa sapatos na nasa estante.

Nang magpunta ang tindera sa stock room, doon na tinangay ng lalaki ang cellphone at sabay alis habang patuloy ang streaming ng cellphone.

Kaya madidinig pa ang pakikipag-usap ng kawatan sa kaniyang kasabwat.

Ayon sa negosyanteng Nica Mae Cacnio,  na isa sa mga nagreklamo, apat na taon na siya sa naturang negosyo pero ngayon lang niya naranasan ang naturang insidente.

“Pakiramdam ko hindi ko po alam kung maiinis ako or matatawa ako sa pangyayari kasi po hindi po niya alam doon sa live, so parang kitang-kita po ‘yung mukha niya. So parang natatawa na lang ako,” saad niya.

“‘Yung asawa ko naman po nagalit po pero natawa lang din po siya sa pangyayaring ganoon,” dagdag niya.

Ayon sa tindera na si Jonalyn Jimenez,  nilito siya ng kawatan.

“Ang dami niya pong pinipili, bilin niya po ‘yung ganito. Eh, ‘yung ano po kasi namin sale, wala siyang box. So kumukuha po ako ng box tapos pinatong ko po ‘yung cellphone na nagla-live kasi hindi pwedeng putulin ‘yung live,” kuwento ni Jimenez.

“Ayun po, kinakausap niya po ako. Palitan daw ‘yung box hanggang sa ito naman ‘yung kinakausap niya. Ayun po, bigla na lang namin nalaman na wala na po ‘yung cellphone,” patuloy niya.

May kasabwat umano ang kawatan, at nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA News