Kabilang sa mga nakalap na impormasyon sa isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring barilan ng mga tauhan ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency ang pag-uusap ng mga bilanggo para magtransaksiyon sa droga.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, binalikan ang kuwento ng PDEA na napunta sila sa parking area sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Pebrero matapos mag-overheat ang sasakyan ng kanilang "asset" na si Untong Matalnas alias Bato.

Mayroon umanong katransaksiyon si Matalnas sa Litex na magbebenta ng 300 gramo ng droga na pakay ng buy-bust operation ng PDEA.

Pero dahil sa pag-overheat ng sasakyan, inilipat nila ang transaksyon sa naturang lugar sa Commonwealth.

Ngunit ipinagtataka ni NBI-National Capital Region regional director Cesar Bacani, kung bakit sa isang text message na nakita nila sa cellphone ng isang tauhan ng PDEA, nagtatanong ito kung saan nakalagay umano ang "tawas."

"Cabs san nakalagay yung tawas natin," saad sa text.

"Yung tawas magpapanggap na shabu 'yan. Ganun yung purpose nun. Kung totoo, bakit may dala silang tawas?" tanong ni Bacani kung totoo ang paliwanag ng PDEA na buy-bust ang pakay ng kanilang operasyon.

Nasawi sa naturang engkuwentro si Matalnas.

Samantala, nasa naturang lugar din umano ang mga pulis-QC dahil din sa buy-bust operation na inilatag naman para sa isang "James Tan."

Lumitaw sa imbestigasyon ng NBI na nakipagtransaksyon naman si Renato Pena, nagpanggap na Tsino na si "James Tan" kay Jonaire Decena, isang bilanggo na ginawang "asset" ng mga pulis.

Base sa nakuhang mga kopya ng video call nina Tan at Decena, nag-alok umano si Tan na magbebenta ng P1 milyong halaga ng shabu kay Decena.

Ngunit lumitaw na nakakulong noon si Tan o Pena sa Sablayan Colony sa Mindoro, at ang kasabawat nito na isa pang inmate na Melvar Magallon.

Hindi binanggit sa ulat kung papaano nagkakilala ang dalawa at ano ang tunay na motibo sa transaksiyon nina Pena at Decena.

Iginiit ng pulis-QC at PDEA agents na parehong lehitimong buy-bust operation ang pakay nila sa lugar.

Nitong Lunes, inilabas na ng NBI ang rekomendasyon nila kung sino ang mga dapat kasuhan sa insidente na ikinasawi ng apat katao.--FRJ, GMA News