Naka-mandatory quarantine ngayon sa pantalan ng Maynila ang nasa 1,000 Pinoy crew ng cruise line na MV Norwegian Encore.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing dumating sa bansa ang barko noong Abril 11, sakay ang mga repatriated Pinoy seafarer.

Matapos na dumaan sa profiling ng Department of Health, isinailalim sila sa mandatory quarantine sa mismong barko habang binabatayan ng Bureau of Quarantine.

May mga heath worker din umano na tutulong sa pagmonitor sa mga sakay ng barko.

Sa ika-anim na araw ng kanilang quarantine, isasailalim sila sa COVID-19 test.

Sa isang pahayag ng Department of Foreign Affairs noong Enero, sinabing mahigit 300,000 OFWs na ang kanilang na- repatriate dahil sa nararanasang pandemic.

Sa naturang bilang, halos 30 porsiyento nito o mahigit 95,000 ay mga seafarer.

Nananawagan naman ng ayuda ang ilang crew na nasa barkbo para matulungan silang makapagsimula.

Nangako naman umano ang pamunuan ng cruise line na prayoridad na kukunin ang mga tripulante kapag bumalik na sila sa operasyon sa darating na Nobyembre.--FRJ, GMA News