Isa sa mga haligi ng OPM o Original Pilipino Music si Claire dela Fuente na biglaan ang naging pagpanaw dalawang araw lang matapos magpositibo sa COVID-19.

Kung walang pandemic, tiyak umanong bubuhos ang mga tribute para sa namayapang mang-aawit para gunitain ang kaniyang kaalala at kontribusyon sa industriya ng musika.

Kaya naman nang talakayin ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang usapin sa kalagayan ng health care system sa bansa kasunod ng pagdami ng COVID-19 cases, kasama sa mga tinalakay ang naging sitwasyon ni Claire na kinailangan ding maghintay bago na-admit sa ospital.

Hindi na rin pinalampas ng host ng programa na si Jessica na bigyan ng munting tribute si Claire kasama ang mga kaibigan at kapwa Jukebox Queen ni Claire na sina Imelda Papin at Eve Eugenio, na sinariwa rin ang alaala ng kanilang kumare. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News