Ipinakita ni Senador Richard Gordon sa isang briefing nitong Martes ang isang video na makikita ang isang sexy dancer na nagtanghal sa loob ng tanggapan at sa harap mismo ng isang regional vice president ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ayon kay Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang opisyal ng PhilHealth na nasa video ay si Paolo Johann Perez, vice president ng PhilHealth sa Region IV-B.
"On his birthday, Perez received the gift. An enormous box in his office. A girl dressed scantily except for underwear danced and gyrated provocatively in front of Perez in the office premises," ayon sa senador.
"Perez enjoyed the performance and was seen smiling in the video. He did not prevent the incident, or report and issue any reprimand to the employees who brought the girl," dagdag pa ni Gordon.
Kinumpirma ni Perez na ang mga kawani niya ang nagplano ng programa sa kaniyang kaarawan. Pero hindi umano nakahubad ang babaeng nagsayaw.
"Birthday ko po noon. Mayroon pong hinandang program ang mga staff ko. Hindi ko po alam na may isang division 'di sila nakapag-prepare dahil busy sila so kumuha sila ng talent na kakanta. Hindi rin po totoo na nakahubad ang talent," paliwanag ni Perez.
"Ang nangyari po noon, dahil maingay ang crowd di po siya nakakanta. Wala po akong alam doon, it came as a surprise to me," patuloy ng opisyal.
Ipinatigil daw niya ang pagtatanghal at pinakain na niya ang kaniyang mga tauhan ng pananghalian.
Ang naturang pagbubunyag ay bahagi ng Blue Ribbon Committee report sa ginawang imbestigasyon noong nakaraang taon tungkol pa rin sa katiwalian umano sa PhilHealth.
Nakasaad sa report na nangyari ang pagtatanghal ng sexy dancer sa oras ng trabaho, at naging maingay na para umanong may palabas sa isang nightclub.
Sa naturang report, inirekomenda ng komite sa Office of the Ombudsman na imbestigahan si Perez dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Binanggit din ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na nagsasaad na, "public officials and employees shall perform and discharge their duties with the highest degree of excellence, professionalism, intelligence and skill."
Kabilang si Perez sa mga opisyal ng PhilHealth na umano'y bahagi ng "Mindanao group" na sinasabing "mafia" sa ahensiya.
Pero ayon sa ilang testigong humarap sa pagdinig kamakailan sa Senado, "good mafia" umano ang "Mindanao group."
Kasama rin si Perez sa anim na regional vice presidents na naghain ng kanilang leave of absence habang iniimbestigahan ang umano'y nangyayaring iregularidad sa PhilHealth. --FRJ, GMA News