Lumitaw sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula Disyembre 12 hanggang 18, 2024, na 90 porsyento ng mga adult Filipino ang sasalubungin ang 2025 na may pag-asa.

Gayunpaman, mas mababa ito ng anim na porsiyento kumpara noong December 2023 sa pagsalubong sa 2024.

Pinakamababa rin ito mula noong 2009 na 89% ng mga Pinoy ang nagsabing sasalubungin nila ang bagong taon na puno nang pag-asa, ayon sa SWS.

Samantala, 10% ng mga tinanong ang nagsabing sasalubungin nila ang 2025 na may takot, na mas mataas ng pitong porsiyento kumpara sa nakaraang taon.

Ito ang pinakamataas mula noong 2009 kung saan 11% ng mga tinanong ang nagpahayag ng pangamba sa pagsalubong sa bagong taon.

Ipinakita sa survey ang pagkakaiba-iba ng antas ng pag-asa sa bawat rehiyon. Sa Balance Luzon, 92% ang may pag-asa para sa darating na taon, habang 91% naman sa Metro Manila. Sa Mindanao, 89% ang may pag-asa, at sa 87% sa Visayas region.

Napuna ng SWS na bumaba ang antas ng pag-asa sa lahat ng rehiyon kumpara sa nakaraang taon. Katulad ng 97% ng mga respondents sa Balance Luzon at Metro Manila ang nagpakita ng pag-asa sa 2025, habang 96% naman sa Mindanao at 93% sa Visayas.

Ang non-commissioned survey ay nagsagawa ng face-to-face interview sa 2,160 na adult na Pilipino mula sa buong bansa: 1,080 mula sa Balance Luzon (Luzon na hindi kabilang ang Metro Manila) at tig-360 mula sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.

Ang survey ay may sampling error margin na ±2% para sa mga pambansang resulta, ±3% para sa Balance Luzon, at ±5% para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. — FRJ, GMA Integrated News