Ramdam din ang diwa ng Pasko sa outer space dahil sa tila hugis Christmas tree na may Christmas lights na nakuhan ng video sa kalawakan gamit ang telescope.
Sa ulat ng GMA News Unang Hirit nitong Huwebes, sinabing nag-post ang NASA Chanda Xray ng video sa Instagram na makikita ang nakamamanghang grupo ng mga bituin na tinatawag na Christmas tree cluster.
Kulay berde ang tila hugis Christmas tree, habang may mga kumikinang-kinang na maliliit na liwanag na nagmistula namang mga Christmas lights.
Noong Nobyembre umano nakuhanan ng video ang naturang grupo ng mga bituin sa pamamagitan ng telescope.
Pero dahil panahon ngayon ng kapaskuhan, mas marami ang namangha sa video.
Samantala, nagpaabot ng Christmas greeting mula sa outer space ang mga astronaut na nasa International Space Station.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News "Unang Balita," sinabing pito ang astronaut na nasa station. Apat sa kanila ang nagsuot ng santa hat nang bumati mula sa ouster space.
Lumutang ang mikropono habang pinagpapasa-pasahan nila ito sa kanilang pagbati sa kani-kanilang pamilya at mga katrabaho.
--FRJ, GMA Integrated News