Itinanghal na Best Actor si Dennis Trillo at Best Supporting Actor si Ruru Madrid sa MMFF 2024 Gabi ng Parangal para sa kanilang pagganap sa pinag-uusapang pelikulang "Green Bones."
Iniuwi naman ni Sienna Stevens na kasama sa pelikula ang tropeo bilang Best Child Performer.
Ang "Green Bones" din ang itinanghal na Best Picture, at sumunod ang "The Kingdom," at "My Future You."
"Nung una, nasasaktan ako, iniisip ko bakit. But then I realized na kaya pala siya nangyayari sa ‘kin, para ‘pag dumating ‘yung araw na ibibigay na sa ‘kin ‘yung kapalit no’n, katulad po nito, hindi ko po ite-take for granted lahat ng ‘yon kasi alam ko ‘yung hirap na pinagdaanan ko bago ko makuha ‘to at hindi po ‘yon naging madali," pahayag ni Ruru nang tanggapin ang award na ginanap nitong Biyernes ng gabi.
"Kaya siguro gusto ko lang rin pong sabihin ‘to dahil alam ko na marami pong nangangarap na sumusuko nalang dahil nauunahan po sila ng takot, nauunahan sila ng hindi nila kaya, na pakiramdam nila walang naniniwala sa kanila. Pero naniniwala ako na basta ikaw, naniniwala ka sa sarili mo na kaya mo, na mararating mo ‘yung pangarap mo, basta malinis ang intensyon mo, nagpupursige ka at pinipili mong maging mabuting tao sa lahat ng pagkakataon, makakamit mo ito," patuloy niya.
Kabilang naman sa mga pinasalamatan ni Dennis ang kaniya number one supporter na si Jennylyn Mercado.
"Maraming salamat sa MMFF, sa MMDA, sa lahat ng mga nagdesisyon para mabigay ang mga parangal na ito ngayong gabi. Maraming salamat po sa mga taong naniniwala sa akin. Sa GMA Films, Ms. Annette Gozon, Ms. Nessa, Sir Ricky Lee, JC Rubio, Anj Atienza, na nanalong Best Screenplay. Sa aming direktor, Direk Zig Dulay, maraming salamat sa tiwalang binigay niyo sa akin. Sa lahat ng sumusuporta sa ‘kin," saad ni Dennis.
"Sa aking number one supporter, nandun po ang aking asawa, si Ms. Jennylyn Mercado. Maraming salamat! Inaalay ko ‘to, ang award na ‘to, sa aking pamilya. Sila po talaga ang nagi-inspire sa ‘kin para pagbutihin ‘tong ginagawa ko na ‘to na i-maximize lahat ng opportunity na binibigay sa ‘kin. Maraming salamat po. Hinding-hindi ko makakalimutan ‘to. Maraming salamat po sa inyong lahat. Thank you. Mabuhay ang pelikulang Pilipino," patuloy niya.
Nakamit din nina Ricky Lee at Angeli Atienza ng "Green Bones" ang parangal bilang Best Screenplay.
Habang Best Cinematography kay Neil Daza para pa rin sa "Green Bones."
Si Judy Ann Santos ang itinanghal na Best Actress para sa pelikulang "'Espantaho," at si Kakki Teodoro ang Best Supporting Actress para sa "Isang Himala."
-- FRJ, GMA Integrated News