Isang lalaki ang nasawi sa naganap umanong holdapan sa loob ng isang bus sa Carmen, Davao del Norte nitong Sabado.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV News, inihayag ni Carmen Municipal Police Station deputy chief, Captain Dennis Agosto, dalawang armadong lalaki ang bumaril at nakapatay sa 54-anyos na biktima.
Sa imbestigasyon, sumakay ang biktima sa bus mula sa isang mall sa Tagum City patungong Davao City. Samantala, sumakay naman sa bus ang mga suspek sa Timog Tagum, na tinatayang mahigit isang kilometro ang layo mula sa mall.
Pagsapit sa Barangay Sto. Niño, bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at binaril ang biktima.
Matapos kunin ang bag ng biktima, bumababa na mula sa bus ang mga salarin.
Isang motorsiklo rin umano ang inagaw at tinangay ng mga suspek sa pagtakas.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek.—FRJ, GMA Integrated News