Nananawagan ng tulong ang isang pamilya sa Pangasinan upang maiuwi sa bansa ang kanilang kaanak na nasa ospital sa Dubai matapos biglang magkasakit. Ang oveseas Filipino worker (OFW), napag-alaman na kakaalis lang ng Pilipinas noong nakaraang Oktubre.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang OFW na si Junaliza Gabinete, 26-anyos, na nagtungo sa Dubai noong nakaraang Oktubre upang mamasukan doon bilang domestic helper.
Maayos umano ang kalusugan ni Gabinete nang umalis ng bansa, at nagpadala pa ito ng video na masayang kasama ang anak ng kaniyang amo sa Dubai.
Ngunit nitong bisperas ng Pasko, tumawag si Gabinete sa kaniyang pamilya sa Pangasinan at humihingi ng tulong.
Sa video na ipinadala ng kaniyang mga katrabaho roon, makikita si Gabinete na namimilipit sa sakit sa tiyan. Sila na rin ang nagdala kay Gabinete sa ospital.
Nagkaroon umano ng problema si Gabinete sa kidney at isinailalim siya sa operasyon. Sa ngayon, wala umanong malay si Gabinete, bagaman stable ang kaniyang vital signs.
“Nanghihingi [kami] ng tulong sa inyo. Sana tulungan niyo anak ko na makuha namin. Nakikiusap po ako. Mahirap lang po kami. ‘Yung anak ko, walang nagbabantay sa kaniya,” nag-aalalang pakiusap ni Eliza Garcia-Gabinete, ina ni Junaliza.
Ipinagbigay-alam na sa local government’s OFW Help Desk sa Mangaldan ang pakiusap ng pamilya.
“Kukunin naming ang pangalan ng OFW concern. Kung saan pong bansa nagpunta. At itatawag ko agad sa regional office, para ma-trace si OFW kung ano ‘yung needs niya,” ayon kay Ernie Cuison, migrant desk officer.-- FRJ, GMA Integrated News