Isang overseas Filipino worker (OFW) ang inaresto sa Kuwait kaugnay sa pagkamatay ng anak ng  kaniyang amo, ayon sa Philippine Embassy doon.

Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Embassy sa Kuwait na labis silang nagulat at nalungkot sa naturang trahediya.

Ipinaabot din nila ang kanilang pakikiramay sa nagluluksang pamilya, kasabay ng pagtiyak na makikipagtulungan sila sa isasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.

“The Embassy is cooperating with Kuwaiti authorities investigating the incident and is also providing assistance to the detained Filipino domestic worker, within the framework of Kuwaiti law and in keeping with the Embassy’s mandate,” ayon sa pahayag.

Idinagdag pa ng embahada na ang naturang trahediya ay hindi sumasalalim sa kabuuang karakter ng mga Pilipino sa Kuwait.

“This isolated incident does not reflect the character of Filipinos and the Filipino community in Kuwait, who are recognized for their hard work, reliability, and positive contribution to society,” saad nito.

Noong May 2023, nagpatupad ng visa ban sa Filipino nationals ang Kuwait kasunod ng nangyaring pagpatay at pagbuntis ng anak ng amo sa OFW na si Jullebee Ranara.

Inalis ang ban noong June 2024 makaraang magkaroon ng kasunduan ang dalawang bansa kaugnay sa pagkuha ng domestic workers.— FRJ, GMA Integrated News