Tila nagkatotoo ang hula ng astrologer na si Madam Suzette Arandela sa isang panayam na maraming celebrity ang maghihiwalay ngayong 2024.

"Marami pa rin ang maghihiwalay lalo na sa mga celebrity," saad niya sa GMA show na Unang Hirit na ipinalabas noong Enero 1, 2024 nang hingan siya ng prediksyon na mangyayari sa naturang taon.

"Lalo na ang mga matatagal nang nagsama, parang nagkasawaan na. At kapag nagkahiwalay, wala nang balikan," dagdag niya.

Sa pagtatapos ng 2024, may 10 hiwalayan na nailista ngayong taon na mainit na pinag-usapan ng kanilang fans at netizens.

1. Jericho Rosales & Kim Jones

Nitong nakaraang Enero isinapubliko ang paghihiwalay nina Jericho Rosales at Kim Jones. Pero ayon kay Ricci Ocampo, na ninong sa kasal ng dalawa, taong 2019 pa raw talaga hiwalay ang mga ito.

Ipagdiriwang sana ng dalawa ang kanilang ika-10 wedding anniversary noong Mayo. Gayunman, nanatili umanong magkaibigan ang dalawa.

2. Bea Alonzo & Dominic Roque

Pebrero nang kumpirmahin nina Bea Alonzo at Dominic Roque sa kanilang joint social media statement na tinapos na nila ang kanilang engagement at hindi na matutuloy ang kanilang kasal.

Naging magkasintahan ang dalawa noong January 2021 at naging engaged noong July 2023.

3. Catriona Gray & Sam Milby

Nitong nakaraang Pebrero, naglabas ng pahayag ang talent agency nina Catriona Gray at Sam Milby na Cornerstone Entertainment, na nagsasaad na nahaharap sa "ilang pagsubok" ang relasyon ng dalawa.

Nangyari ito isang taon makaraang maging engaged ang dalawa. Una rito, inihayag ng ex-couple noong 2020 ang tungkol sa kanilang relasyon, at plano sanang magpakasal ngayong 2024.

Noong nakaraang Mayo, binura ni Catriona ang mga engagement photos nila.

4. Sarah Lahbati & Richard Gutierrez

Matapos ang ilang buwan na usap-usapan, kinumpirma ni Sarah Lahbati noong Marso na hiwalay sila ng kaniyang mister na si Richard Gutierrez.

Bago nito, nag-unfollow ang dalawa sa Instagram ng isa't isa noong Enero 2024. Ikinasal sila noong 2020 at mayroong dalawang anak.

5. Maris Racal & Rico Blanco

Nitong nakaraang Hulyo, emosyonal na kinumpirma ni Maris Racal na hiwalay na sila ng nobyong singer na si Rico Blanco.

Taong 2021 nang isapubliko nila ang kanilang relasyon.

Inilarawan ni Maris ang kanilang paghihiwalay na “very polite.”


6. Anthony Jennings & Jam Villanueva

Limang buwan makaraang ihayag ni Maris ang tungkol sa paghihiwalay nila ni Rico, ang kaniyang onscreen partner o ka-love team na si Anthony Jennings naman ang nasangkot sa hiwalayan sa nobya nitong si Jam Villanueva -- at dawit din ang aktres.

Inilabas ni Jam sa social media ang umano'y palitan ng mensahe nina Maris at Anthony, kasabay ng pahayag nito na hiwalay na sila ng aktor.

Naglabas ng video statement si Maris kinalaunan at inako ang "accountability for everything" sa nangyari.

Sa hiwalay na pahayag, humingi naman ng paumanhin si Anthony kina Maris at Jam.

7. Kyline Alcantara & Mavy Legaspi          

Nitong Agosto, inihayag ni Kyline Alcantara sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" ang paghihiwalay nila ni Mavy Legaspi.

Kasabay ng pahayag ng aktres na "everyone should move on from it," nagpasalamat siya sa pinagsamahan nila ni Mavy.

8. Sue Ramirez & Javi Benitez

Nitong nakaraang November nang kumpirmahin ni Victorias City, Negros Occidental Mayor Javi Benitez na hiwalay na sila ng aktres na si Sue Ramirez, matapos ang limang taon nilang relasyon.

Inihayag ito ni Javi matapos lumabas sa social media ang video na magkasama sina Sue at Dominic Roque sa Siargao.

9. AiAi delas Alas & Gerald Sibayan

Inihayag naman ni AiAi delas Alas sa programa ni Tito Boy nitong Nobyembre na hiwalay na sila ng kaniyang mister na si Gerald Sibayan.

Sa naturang panayam, inihayag ng aktres na ang hindi nila pagkakaroon ng anak ang isa sa mga pinaniniwalaan niyang dahilan kaya nagtapos ang 10 taon nilang pagsasama.

10. Paolo Contis & Yen Santos

Sa programa rin ni Tito Boy, kinumpirma Paolo Contis nitong Nobyembre na single na muli siya, na indikasyon na hiwalay na sila ng nobyang si Yen Santos.

Noon pang Mayo nagkaroon ng mga espekulasyon na may problema sa pagsasama ng dalawa nang burahin ng aktres ang birthday greetings niya kay Paolo sa Instagram.

Taong 2023 nang aminin ni Paolo ang relasyon nila ni Yen, pero itinanggi niya na ang dalaga ang dahilan sa naging hiwalayan nila ng dating partner na si LJ Reyes.— mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ, GMA Integrated News