May kakaibang kombinasyon ng pagkain na bahagi na umano ng tradisyon ng mga taga-Bataan na kasama sa kanilang mga inihahanda sa Noche Buena--ang dinuguan na may kasamang suman at hindi puto.
Sa programang "Biyahe ni Drew," nagtungo ang host na si Drew Arellano sa Samal, Bataan para makisalo ng handaan doon ng residenteng si Minia Bugay.
Ayon kay Christopher John Manansala, Tourism officer-Culture and Arts of Samal, matapos ang pagsasalo-salo ng mga pamilya pagsapit ng hatinggabi ng Disyembre 24 para sa Noche Buena, kinabukasan sa araw ng Pasko, maaari namang pumasyal ang mga tao sa mga bahay-bahay upang makikain.
At kasama sa mga handa sa Noche Buena na maaaring matikman pa rin ng mga bisita pagsapit ng Pasko-- ang dinuguan at suman.
Kuwento ni Minia kay Drew, nakalakihan na niya na mayroon silang handa palaging dinuguan at suman sa Noche Buena na ginagawa noon pa man ng kaniyang mga lolo at lola.
Pero bakit suman at hindi puto ang kapartner ng dinuguan?
"Kasi ang sa amin sa Samal, anihan siya ng mga palay at malagkit. Ang puto kasi gawa sa flour minsan," paliwanag ni Minia na patungkol sa suman na madaling gawin dahil marami sa kanilang malagkit na bigas.
Maganda rin umanong ihanda ang dinuguan dahil hindi ito madaling mapanis dahil kasama sa mga sangkap nito ang suka.
Ayon pa kay Minia, may halong asin ang kanilang suman kaya medyo maalat-alat ang lasa nito.
Samantalang ang kanilang dinuguan, manamis-namis na maasim-asim kaya maganda ang kombinasyon sa panlasa ang dalawang pagkain.
Madalas din umanong hinahanap ng kanilang mga bisita ang kanilang dinuguan at suman kaya hindi ito nawawala sa kanilang handa.
Pumasa naman kaya sa panlasa ni Drew ang combo ng dinuguan at suman? Tunghayan ang buong kuwento sa video at matuto kung papaano ibinabalot sa dahon ng saging ang suman. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News