Isang bata ang nasawi, habang malubhang nasugatan ang kaniyang pinsan matapos silang masagasaan ng taxi sa Caloocan City. Bago ang trahediya, nakita na ng driver ang dalawa at kaniyang pinapaalis sa gitna ng kalsada.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 187 sa Tala, North Caloocan noong Huwebes.
Sa CCTV footage, makikita na nakaupong naglalaro sa gitna ng kalsada ang magpinsan na edad anim at lima.
Nang dumating ang taxi, tumigil ito at mapapansin mula sa loob ng sasakyan na sumenyas ang driver upang paalisin ang mga bata.
Isang menor de edad na babae ang lumapit sa dalawa at kinalabit para umalis dahil may sasakyan.
Kaagad ding umalis at tumalikod ang babae pero naiwan ang mga biktima na nakaupo pa rin sa gitna ng kalsada.
Doon na nagtuloy-tuloy sa pag-arangkada ang taxi at nagulungan ang isang bata, habang pumailalim ang isa pa sa sasakyan.
Kaagad namang tumigil ang taxi at umatras para maalis sa pagkakaipit ang dalawa.
Naipit sa gulong ang binti ni "JC," habang kritikal ang pinsan niyang si "Ismael," na kinalaunan ay pumanaw sa ospital.
“Hinahanap niya papa niya, ‘papa, papa.’ Sabi ko, ‘Anak, papunta si papa,” emosyonal na pahayag niIvy Espina, ina ni Ismael.
“Mga ilang salita lang siya sa akin, sabi niya madilim daw paningin niya, wala raw siyang makita,” ayon kay Robert, ama ng biktima.
Nasa bahay daw sila nang mangyari ang insidente at kinukumpuni ang washing machine na kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Nakipag-usap na umano sila taxi driver na pinayagan ng pulisya na makalaya dahil hindi pa nagsasampa ng reklamo ang pamilya ng mga biktima.
“Nag-insist yung family na mag-desistance kaya walang choice ang investigator natin kundi i-release yung suspect. Kinakailangan kasi ng family yung immediate assistance, kaya siguro nag-decide sila na mag-areglo.” ayon kay Police Captain Nelson Dizon, ng Philippine National Police Caloocan North Police Station.
Nananatili namang nagpapagaling sa ospital ang batang si JC na nabalian ng buto at nagtamo ng mga sugat.
“Naaawa ako siyempre. Masakit bilang ina na ganun ang nangyari sa anak ko,” pahayag ni Jamaica Pascual, ina ni JC.
Ayon sa pamilya ni Ismael, itutuloy nila ang pagsasampa ng reklamo kapag hindi tumapad sa kaniyang pananagutan ang driver ng taxi.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng panig ang taxi driver. --FRJ, GMA Integrated News