Sugatan ang dalawang lalaki dahil sa panggugulo at pamamaril umano ng kaibigan nilang lalaki sa gitna ng inuman sa Antipolo City. Ang naarestong suspek, sinabing nais lang sana niyang manakot.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na naganap ang pamamaril sa Barangay Dela Paz noong Linggo dakong 1 a.m.
“Itong ating suspect bigla pong dumating at pinagmumura po itong ating dalawang victim,” sabi ni Police Major Elmer Rabano, Deputy Chief of Police, Antipolo Component City Police Station.
Base sa salaysay ng isa sa mga nag-iinuman na si “Gar,” hindi niya tunay na pangalan, lasing umano ang suspek na si alyas “RR,” 33-anyos.
“Tinanong po namin siya kung ano ang problema kasi nagsisisigaw. Hindi po nagsasalita, dire-diretso lang po siya. Sabi ko sa kaibigan ko, ‘Hayaan mo na, tropa natin yun.’ Binalewala na lang po namin,” sabi ni Gar.
Ngunit makaraan ang 20 minuto, bumalik ang suspek na may dala-dala nang sumpak o improvised na baril.
Nagawa ng isa sa mga biktima na agawin ang hawak na sumpak ng suspek. Kalaunan, nagpambuno ang dalawa at naiputok ng suspek ang baril.
Tinamaan ang isa nilang kaibigan, at nasapul din sa kaliwang balikat si Gar.
“May kutsilyo pa po ‘yan sa likod, ang ginawa niya, winasiwas niya po ‘yun, hanggang sa natumba po ‘yung kaibigan ko na kainuman ko. Gumapang na humihingi po ng tulong,” sabi ni Gar.
Sinabi ng mga awtoridad na nakatakas ang suspek makalipas ang pamamaril ngunit naaresto rin sa follow-up operation sa ospital.
“Noong nakatakbo siya, tumalon sa tulay, nagtamo ng mga sugat at injury sa kaniyang katawan. Noong nagpapagamot na siya sa ospital, nakilala siya noong ating victim,” sabi ni Rabano.
Umamin sa pamamaril ang suspek pero plano lang daw sana niyang manakot.
“Sinumpak ko po sila. Wala po sana akong tatargetin kasi tatakutin ko lang po sana sila. Pagputok ko, nagpambuno po kami. Parang nagdilim po ang paningin ko sa kanila eh,” sabi ng suspek, na nahaharap sa kasong frustrated homicide at paglabag sa Omnibus Election Code.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News