Nasawi ang isang babaeng election officer at kaniyang asawa matapos silang tambangan habang sakay ng SUV (Sports Utility Vehicle) sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules ng umaga.
Sa ulat mula sa pulisya, kinilala ang nasawing election officer na si Atty. Maceda L. Abo, at ang kaniyang mister na si Jojo.
Kagagaling lang umano ng mag-asawa sa kanilang bahay at tinatahak ang Cotabato-Sharrif Aguak Road sa Barangay Makir nang pagbabarilin sila ng mga salarin dakong 8:20 a.m.
Dinala ang mag-asawa sa Datu Odin Sinsuat District Hospital, pero idinaklarang dead on arrival si Jojo.
Mula sa Datu Odin Sinsuat District Hospital, inilipat si Maceda sa Cotabato Regional Medical Center pero pumanaw din kinalaunan.
Ilang basyo ng bala mula sa kalibre 5.56 na baril ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, at pagsusuri sa mga CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng krimen para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
Kaugnay ng ambush, inirekomenda ni Commission on Elections chairman George Erwin Garcia, na isailalim sa kanilang kontrol ang Datu Odin Sinsuat.
“Isang napakalungkot na pangyayari ang pagpaslang sa aming election officer sa Datu Odin Sinsuat, si Mrs. Maceda Lidasan-Abo na kasama ang kaniyang asawa na nagda-drive ng sasakyan… Kaya ako mismo ay magre-recommend sa Commission en banc na ang Datu Odin Sinsuat ay ilagay sa Comelec control,” ayon kay Garcia. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News