Nasawi ang isang 62-anyos na babae na papunta sa ospital matapos siyang masagasaan ng truck habang tumatawid sa isang intersection sa C. Raymundo Avenue sa Pasig City.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Miyerkoles na umere rin sa "Saksi," mapanonood sa kuha ng CCTV camera na nakatigil ang mga sasakyan [kabilang ang truck] sa dalawang lane nang tumawid ang senior citizen na biktima.

Pero nang natapat siya sa unahan ng truck, umabante na ang daloy ng trapiko at nasagasaan ang biktima.

Nagtamo ng matinding pinsala sa kaniyang ulo at dibdib ang lola na kaniyang ikinasawi, ayon sa pulisya.

Ayon sa driver, hindi niya napansin ang babae.

Tumangging makipag-areglo ang pamilya ng biktima, na maghahain ng reklamo laban sa truck driver. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News