Kabilang ang Metro Manila sa maraming lugar sa bansa ang nalubog sa baha dahil sa hagupit ng Habagat at Super Typhoon Carina noong nakaraang linggo. Hanggang kailangan nga ba magtitiis ang mga Pilipino sa problemang ito ng baha?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang ilang insidente ng epekto ng matinding ragasa ng tubig sa mga ilog, gaya ng pagbangga ng ilang barge sa F. Manalo Bridge sa Pasig City.
May isang bus din na tumirik sa gitna ng baha, at kinailangang sagipin ang mga sakay nito dahil halos umabot sa bintana ang tubig.
Maraming kabahayan din ang lumubog kaya hindi naiwasan na ikumpara ang nangyaring pagbaha nang manalasa rin noon sa Metro Manila ang bagyong Ondoy.
Binisita ni Jessica Soho ang Resilience Institute sa University of the Philippines sa Diliman, na ang misyon ay pag-aralan ang pagbabago ng klima ng panahon, ang epekto nito, at paano dapat maghanda.
Tumutulong sila sa pag-aaral sa disaster risk reduction and management sa bansa, na pinangungunahan ni Dr. Mahar Lagmay.
Ayon kay Dr. Lagmay, hindi maitatanggi na maraming tubig-ulan ang ibinuhos ng bagyo at ng habagat.
“Pati ‘yung mga datos sa PAGASA na more than 400 millimeters of rain. Medyo nag-exceed pa nga doon sa value ng Ondoy. Although ‘yung Ondoy mas packed within six hours na-deliver ang rain. Ganun pa man malakas ang ulan, at kapag ang ulan na ‘yun ay pumatak at nasa lupa ay mamumuo ‘yun, dadaloy, pupunta sa mga ilog,” saad niya.
Tinawag ni Dr. Lagmay na masalimuot na problema ang pagbaha sa bansa na sadyang daanan ng mga bagyo.
“Tanggapin natin na tayo ay nasa typhoon belt. At dahil nasa typhoon belt, maraming bagyo, maraming ulan, ‘yung mga ulan na 'yon ay sadyang magbabaha ng mga lugar na floodplains na tinatawag. So kailangan maging smart din tayo,” paliwanag niya.
Naniniwala rin ni Dr. Lagmay na may kontribusyon din sa baha ang mga reclamation projects batay na rin sa mga scholarly articles. At posibleng lumama pa raw ang problema sa bansa sa hinaharap na panahon.
“Ang ano ko ngayon, huwag grumabe pa e. Kasi magkakaroon ng population growth. Magkakaroon ng climate change. Lalaki ang baha,” saad niya. “So hindi ba ngayon e tamang panahon na na mag-isip tayo na paano ba nating idi-decongest ang overcrowded na metropolis.”
Sa mga flood control projects, sinabi ni Dr. Lagmay na lumalabas na P1 bilyon bawat araw ang ginagastos ng gobyerno sa mga tinatawag na flood control projects.
“‘Yung project na flood control na niloan natin sa World Bank ay worth P358 billion yata. ‘Yun ‘yung ginawa natin sa Metro Manila. 356 days in a year, lumalabas roughly P1 billion a day,” ani Dr. Lagmay.
Naniniwala siya na hindi lamang interventions at infrastructures ang maging tugon sa problema, at sa halip ay samahan ng "soft solution."
“Planuhin nang mabuti. Katulad nu’n, kikita mo ‘yung subdivision na ‘yun na nasa flood plain. Aangal ‘yung mga tao na nabaha sila. Pero kasi natural na parte ng river ‘yun. So dapat ‘yun may zoning ordinance ‘yun. Huwag kang magtayo doon [ng mga bahay],” paliwanag niya.
Nakipagtulungan din ang UP Resilience Center sa Department of Science and Technology para bumuo ng Project NOAH, o Nationwide Operational Assessment of Hazards.
Isa itong interactive map na makatutulong sa mga tao upang matukoy kung peligro sa kalamidad gaya ng baha, flash flood, o landslide ang kanilang lugar.
“Pumunta kayo sa noah.up.edu.ph tapos alamin ‘yung inyong hazard sa inyong kapaligiran or neighborhood,” ani Lagmay.
Ayon kay Department of Public Works and Highways NCR Director Loreta Malaluan, komplikado ang problema sa baha ng Metro Manila.
“Sa tingin ko po ay hindi natin masasabing wala talaga, zero ang pagbaha dito sa Metro Manila. Kaya nga po ang tinitingnan ay gaano kabilis ang pagbaba ng baha? Gaano kabilis sila dadaloy palabas ng ating mga kailugan," pahayag niya.
“Sa ngayon operational lahat halos ng ating mga pumping stations. Ang nangyari lang mas mataas ang tubig doon sa ating mga kailugan dahil sa sobrang ulan nga. Kaya hindi natin mai-pump-out yung ating tubig. Bumabalik lang po. Siguro umpisahan natin sa kanya- kanyang sarili natin para makatulong po tayo. Kasi hindi po kaya ng national government lang,” dagdag niya.
Si Dr. Mahar, inikomenda ang urban planning o pagbabawas ng mga tao gaya sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa ibang lugar.
“I-decongest kung saan may lugar, planuhin natin na mabuti tapos doon mag-settle, magtayo ng mga malls sa ligtas na lugar,” paliwanag niya. “So if the place is well-planned o malaki pa ‘yung space, na marami pa naman ang Pilipinas na ganung space. Indonesia did it. ‘Di ba, Indonesia transferred their capital.”-- FRJ, GMA Integrated News