Ang industriya na ilang henerasyon na bumuhay sa maraming pamilya ng mga nagtatahong sa Navotas, nanganganib na mawala dahil sa reclamation project sa Manila Bay. Ang kanilang mga tahongan na tatamaan ng proyekto sa laot, isa-isang binubunot.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang matinding pagtutol at kalungkutan ng mga residenteng apektado ang kabuhayan dahil sa ginagawang pag-alis sa mga tahongan na tatamaan ng proyekto.
Ayon sa mga nagpoprotesta, nasa 5,000 taniman na ng tahong ang nawasak na binunot gamit ang mga backhoe. Libu-libong pamilya umano ang apektado sa ginagawang demolisyon ng mga tahongan.
Mula 1970s, naging produkto na ng Navotas ang iba't ibang produkto mula sa tahong gaya ng steamed tahong, tahong gourmet, at may tahong chips.
Pero apektado na ngayon ang kabuhayan ng maraming umaasa sa tahong dahil sa isinasagawang proyekto na para sa kaunlaran.
Inaalis ang mga gamit na ibinaon sa dagat na kinakapitan ng mga tahong upang tambakan ng lupa, at kalaunan ay tatayuan ng mga gusali.
Ayon sa nag-aani ng tahong sa Barangay Sipac-Almacen, nagsimula ang demolisyon sa mga tahongan noong Marso.
Si Tatay Budoy, sinabing mayroon siyang 370 na puno ng anahaw na ibinaon sa laot pero 50 na lang ang natitira. Ang dating 15 hanggang 20 batya ng tahong na inaani niya noon, naibebenta niya ng P1,500.
Si Cheryl, namuhunan ng P47,000 para sa 60 tahongan na kinabibilangan ng anahaw, lubid, net, at kawayan. Sa panahon ng anihan, puwede umano siyang kumita ng hanggang P126,000. Pero nagbago na ngayon ang lahat nang bunutin na ang kanilang mga tahongan.
Ayon kay Cheryl, noong 2022, kinausap ng Navotas Coastal Bay Reclamation Project (NCBRP) at lokal na pamahalaan ang mga magtatahong na maapektuhan ng proyekto.
Noong una, tiniyak daw sa kanila na hindi tatamaan ng proyekto ang kanilang mga taniman ng tahong. Ngunit nagbago raw ang lahat noong Marso.
May pag-asa pa kaya na maisalba ang kabuhayan ng mga magtatahong, o mabibigyan kaya sila ng kompensasyon sa pagkasira ng kanilang kabuhayan? At papano na ang magiging buhay ng mga pamilyang umaasa sa pag-aani ng tahong? Tunghayan ang buong ulat sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News